(NI ROSE PULGAR)
NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs ng Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang may 84 kilong imported na karne sa isang papasok na pasahero mula sa Japan sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City, nitong Huwebes.
Ayon kay NAIA Customs Collector Mimil Talusan, bigo ang pasahero na maiprisinta ang clearance at certificate mula sa Bureau of Animal Industry dahilan upang kumpiskahin ang mga ito.
Nauna nang nagbabala ang Bureau of Animal Industry sa mga pasahero na iwasan ang magdala ng karne mula sa ibang bansa na hindi dumaan sa pagsusuri dahil sa pinangangambahan na African Swine Fever(ASF).
Sa isang advisory na pirmado ni Food Drug Adninistration (FDA) Officer in Charge Dr. Eric Domingo, iginiit nito ang temporary ban sa importasyon, distribusyon at bentahan ng mga processed pork meat products na mula sa mga bansang tinamaan ng ASF.
Kabilang dito ang mga bansang: China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, at Ukraine.
At para mapalakas ang mga hakbang upang mapigilan ang pagpasok sa Pilipinas ng ASF, pinalawak pa ng FDA ang temporary ban laban sa mga processed pork meat products na galing naman sa Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova at Belgium.
Pinapayuhan ng FDA ang mga kababayan na kung hindi maiwasang kumain ng processed pork meat products, tiyakin na mula ito sa mga bansang wala sa listahan ng temporary ban at dapat ay rehistrado ng FDA.
Ang ASF, na sakit mula sa mga baboy ay may sintomas na mataas na lagnat, kawalan ng ganang kumain, hemorrhages sa balat at internal organs, at maaaring ikamatay kapag hindi ito naagapan.
151