865K FILM INDUSTRY WORKERS, NAKALIMUTAN SA COVID-19

KINUMPIRMA ni Film Development Council of the Philippines chairperson Liza Diño na aabot sa 865,000 na manggagawa sa creative economy o ang audio visual industry ang apektado rin ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig ng Senate Committees on Finance at Economic Affairs, ipinaliwanag ni Diño na ang audiovisual industry sector ang unang nagkansela ng mga proyekto at trabaho sa pagputok ng pandemic at sila rin ang huling maibabalik dahilipinagbabawal ang mass gatherings.

Idinagdag nito na 70% ng mga manggagawa sa industriya ay freelancers na kailangan din ng cash assistance.

Inihayag ni Diño na naglaan na sila ng P20 million ng kanilang pondo para sa P5,000 hanggang P8,000 emergency subsidies sa mga apektadong manggagawa subalit kakailanganin pa nila ng dagdag na pondo.

“Ang laki po ang audiovisual industry and ‘yun nga po dahil hindi kami nahahagip ng census studies ng PSA statistics, minsan po ay nakakalimutan yung aming pinagdadaanan at kalagayan ng mga nasa industriyang ito,” saad nito.

Kabilang sa audio visual sector ang mga manggagawa sa film, animation, TV, commercials, live events, at manufacturing ng audiovisual equipment. (Dang Samson- Garcia)

68

Related posts

Leave a Comment