Suportado ng Alliance of Bonafide Recruiters for OFWs’ Advancement and Development (ABROAD), ang planong pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) na makatutulong sa mahigit dalawang milyong overseas Filipino workers (OFWs).
Ang ABROAD ay isang koalisyon na binubuo ng mga asosasyon ng recruitment agency.
Ayon kay ABROAD co-convenor Mary Cecile Francisco, nakikiisa ang kanilang grupo sa balak na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan kanyang sinabi na napapanahon na upang magtatag o gumawa ng isang departamento na tututok sa kapakanan ng mga OFW upang masiguro ang kanilang kaayusan, mabigyan ng proteksiyon at magkaroon ng mabilis na access sa mga serbisyo ng gobyerno.
“Binibigyang pugay namin ang lahat ng ginagawa ng ating pamahalaan upang mas mapabuti o magkaroon ng pagbabago sa mga serbisyo at mapabilis ang proseso sa pagpapadala ng OFWs sa ibang bansa. Kaya ang aming grupo ay buong pusong sumusuporta sa ninanais na ito ng ating Pangulo na lumikha ng isang kagawaran na para sa OFWS, kung kaya kami po’y nananawagan sa ating mga mambabatas na sana’y magpasa ng isang batas na magtatatag sa DOFW na magbibigay ng patas at mabilis na aksiyon sa lahat ng pangangailangan ng ating mga bagong bayani,” pahayag ni Francisco.
Dagdag pa ni Francisco, napakaraming Filipino ang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa upang matulungan ang kanilang pamilya kaya ang usapin ukol sa paglikha ng DOFW ay magbubukas sa lahat ng stakeholders upang makilahok dito gaya ng OFWs, placement and recruitment agencies, legislators, policymakers, NGOs, civil society groups, at mga tanggapan ng gobyerno na kabilang sa deployment ng OFWs upang masusing himayin kung paano mapoprotektahan ang interes ng mga ito.
“Kami po ay katuwang ng pamahalaan sa pagbuo ng bansa lalo na sa panahon ng pagbagsak ng ekonomiya, at katunayan niyan kami ang nagsisilbing first line of defense upang maprotektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mga OFW,” paliwanag ni Francisco.
Ang koalisyon, aniya, ay may mahalagang papel na ginagampanan para maipamalas ang malaking ambag sa industriya ng overseas employment at migration program, gayundin sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.
Tinukoy rin ni Francisco ang walong pangalan ng mga inisyal na miyembro ng ABROAD. Ang mga ito ay ang Australia & New Zealand Association of Employment Providers of the Philippines, Inc. (ANZAEPP), Association of Philippine Licensed Agencies for Technical Internship Program (APLATIP), Association of Professional Philippine Manpower Agencies for China Inc. (APPMAC), Japan Employment Providers of the Philippines & Consultants’ Association, Inc. (JEPPCA), Organization of Placement Agencies of the Philippines (OPAP), Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI), Pilipino Licensed Manpower Agencies for Taiwan (PILMAT), at Philippine Recruitment Agencies Association for Saudi Arabia (PRAASA).
Ang organisasyong ito ay kumakatawan sa mahigit 500 PRAs at halos lahat ng ito ay responsable sa pagbibigay ng trabaho sa mahigit isang milyong OFWs na kinabibilangan ng professionals, skilled workers at household service o domestic workers. Inaasahan din na mas marami pang PRA recruitment agency associations ang lalahok sa ABROAD sa mga susunod na araw.
“Gusto po naming magkakasama sa isang organisasyon upang magkaroon ng boses ang ating mga OFW hinggil sa mabilis na pag-usad ng kanilang papel upang makapagtrabaho sa ibang bansa sapagkat kabilang sila sa dapat nating pakinggan,” ayon pa kay Francisco, na kasalukuyang secretary rin ng ANZAEPP at director ng JEPPCA.
Umaasa sa kinikita ng lahat ng lisensiyadong recruitment agencies ang pamahalaan upang matugunan ang kakulangan ng trabaho sa bansa alinsunod na rin sa nakasaad sa Section 25 ng Labor Code. Ang remittances o ipinadadalang pera ng mga Filipino worker mula sa ibang bansa ay kinokonsiderang pangunahing haligi ng ekonomiya ng Filipinas.
Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong Setyembre 2018 ay umaabot na sa 2.3 million ang bilang ng OFWs, at nasa US$32.21 billion ang nai-remit ng mga ito.
Nais ng Pangulong Duterte na maitatag na ang DOFW bago matapos ang taong kasalukuyan.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay isinumite sa Mataas na Kapulungan ni dating presidential aide at ngayo’y Senador Bong Go ang panukalang batas na ito bilang Senate Bill 202, o ang Department of Overseas Filipinos Act of 2019.
