ABS-CBN PAG-AARI NG KANO

HINDI Filipino kundi Amerikano ang may-ari at namahala sa ABS-CBN simula noong isoli ni dating Pangulong Corazon Aquino sa pamilyang Lopez ang nasabing network noong 1986.

Ito ang isiniwalat ni House deputy speaker Rodante Marcoleta na siyang main oppositor sa aplikasyon ng nasabing network na bigyan muli sila 25 taong prangkisa, sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at good government and public accountability nitong Martes.

Ayon kay Marcoleta, 1986 pa lamang ay nilabag na umano ng ABS-CBN ang Saligang Batas patungkol sa foreign ownership nang maging director ng network si Eugenio “Gabby” Lopez III na kalaunan ay naging president at chairman ng network.

“Pati po kasi nung panahong yun ay may paglabag na rin sa ating Saligang Batas. Ano po kaya yun? Dahil Amerikano at hindi Pilipino ang may-ari at namahala sa ABS-CBN na mariing ipinagbabawal ng Saligang Batas,” ani Marcoleta.

“Congress should deny the franchise application for its clear violations of the Constitution requiring 100% ownership and management of mass media companies. ABS-CBN former president Eugenio “Gabby” Lopez III was an American citizen when he took the helm of the company in 1986 as the director then president and then chairman in the later years,” dagdag pa nito.

Noong 2018 lang nag-retire si Lopez bilang chairman ng nasabing network subalit isa sa mga tagapamahala ng ABS-CBN mula 1986 bilang director at naging president at CEO mula Mayo 26, 1993 hanggang Mayo 26, 1997.

Sa mga panahong naging director at president at CEO ng ABS-CBN si Lopez ay American citizen umano ito dahil ayon kay Marcoleta “…It was only in 2000 when he petition for recognition for Filipino citizenship and was issued a certificate of recognition as Filipino citizen in 2002.”

“At kahit sabihin na natin na wala na ngayon sa management ng ABS-CBN si Ginoong Gabby Lopez, nagpatuloy pa rin ba sa paglabag sa Saligang Batas ang ABS-CBN? Opo, dahil magpahanggang ngayon ay nagbebenta pa po sila sa mga banyaga o hindi mga Filipino ng pag-aari o ownership rights ng ABS-CBN,” ayon pa sa mambabatas.

Ito ay dahil sa Philippine Depository Receipts o PDRs na ibinenta umano ng mga Lopez sa mga dayuhan na mahigpit na ipinagbabawal ng batas dahil kailangang Filipino ang may-ari ng media companies sa Pilipinas.

“ABS-CBN allows these foreign holders a beneficial benefits and potential voting rights,” ayon pa sa mambabatas kaya hindi umano dapat aprubahan ang prangkisa ng nasabing network. BERNARD TAGUINOD

71

Related posts

Leave a Comment