AFP, NPA hinimok magkaisa sa gitna ng COVID crisis CEASEFIRE IGALANG – REP. NOGRALES

NANAWAGAN si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at New People’s Army (NPA) na igalang ang idineklarang ceasefire ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng kampanya para makontro ang paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19.

Ginawa ni Nograles ang nasabing panawagan matapos magkaroon diumano ng engkuwentro sa Montalban, Rizal kung saan isang sundalo at NPA guerilla ang namatay.

Base sa report ni Captain Jayrald Ternio ng public affairs office ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, inatake umano ng tinatayang 30 rebeldeng NPA ang 18 sundalo sa Barangay, Puray dakong alas-3:00 ng hapon noon Sabado.

“Nananawagan tayo sa AFP at NPA—sundin po natin ang ceasefire. Mayroon tayong laban na mas malaki pa sa ideolohiya at paniniwala natin,” ani Nograles.

“Hindi natin ito masusugpo kung hindi tayo magkakaisa,” ayon pa sa kongresista na siyang nakasasakop sa Montalban, Rizal.

Magugunita na nagdeklara ng unilateral ceasefire si Pangulong Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines –New Peoples Army (CPP-NPA) noong Marso 15 na magtatagal hanggang Abril 15.

Layon nito na mapagtuunan ng atensyon ang problemang kinakaharap ngayon ng bansa sa COVID-19.

Kasunod nito, inirekomenda naman ni National Democratic Front (NDF) consultant Jose Maria Sison ang tigil-putukan matapos manawagan ang United Nations (UN) sa magkakalabang grupo sa mundo na ibaba muna ang kanilang armas sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“We need a united front if we are to survive this pandemic,” dagdag pa ni Nograles kaya umapela ito sa magkabilang grupo na mag-usap at patunayan sa publiko na kapwa sila sumusunod sa tigil-putukan dahil nahaharap ang bansa sa malaking problema sa kalusugan.

“We simply cannot operate under an air of mistrust. It is counterproductive. Ang kailangan natin, total focus sa kasalukuyang kaaway, na hindi kapwa Filipino, kundi virus,” ani Nograles. BERNARD TAGUINOD

56

Related posts

Leave a Comment