(NI BERNARD TAGUINOD)
INAMIN ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na limitado ang kapabilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga dayuhang nanghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Ginawa ni Lorenzana ang pag-amin sa pagdining sa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pondo ng DND sa susunod na taon na magkakahalaga ng P188.65 billion nitong Martes.
“Currently, very small capability to react to this intrusions, territorial seas, very vast and only few equipment,” ani Lorenzana nang tanungin ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor kung may kapabilidad ang AFP laban sa mga nanghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Dahil dito, kinumusta ni Defensor ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) na siyang nagbabantay sa lahat ng karagatan ng Pilipinas at tiyaking walang mga dayuhang nakakapasok.
“Very weak capability, in fact we lack coast guard assets in Sibutu and Bongao,” sagot ni Lorenzana.
Magugunita na ilang beses na dumaan ang mga warship ng China sa Sibutu Strait sa Mindanao na hindi nagpapaalam na naging dahilan para pumalag si Pangulong Rodrigo Duterte at hiniling sa ibang bansa na humingi muna ng permiso bago dumaan sa ating karagatan.
“Recently when President pronounced they have to ask permission, we now have basis to do that, Navy now have SOPs to do when unauthorized intrusions,” ayon pa kay Lorenzana subalit hindi na ito nagbigay ng karagdagang impormasyon.
“Hinamon naman ni ACT Teacher party-list Rep. France Castro ang AFP at DND na huwag lang puro aniya dada sa pagtatanggol sa teritoryo ng Pilipinas laban sa China na nanghihimasok sa ating teritoryo tulad sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal.
“Uphold sovereignty and territorial integrity. Ano mga action ginawa sa Panatag Shoal, Chinese militia vessels…tayo sa DND puro dada lang ginagawa sa seemingly invasion ng China vessels…ano ginawa DND bukod sa pagdadada?,” ani Castro.
Sumagot naman si Lorenzana na magsusumite na lamang ang mga ito ng dokumento ukol sa kanilang ginagawang aksyon ukol sa nasabing problema.
159