(NI ABBY MENDOZA)
DAHIL sa dry season ay pababa na ang kaso ng African Swine Fever (ASF).
Sa joint meeting ng House Committees on Agriculture and Food at Local Government, sinabi ni Bureau of Animal Industry Dir. Ronnie Domingo na nakatulong ang klima sa pagbaba ng kaso ng ASF sa bansa dahil takot ang ASF virus sa dry season.
Umaasa ang BAI na sa mga susunod na araw ay bababa pa ang bilang ng mga baboy na naaapektuhan ng ASF o tuluyan nang mawala.
Bagama’t nakatutulong ang klima, sinabi ni Domingo na hindi pa rin dapat na magpabaya ang mga hog traders dahil maaaring kumalat muli ang virus.
“Dapat panatilihin pa rin na maagap ang mga magbababoy sa pagpapatupad ng kanya-kanyang control measures,” paliwanag ni Domingo.
Sa talaan ng DA ay 461 barangay ang naapektuhan ng ASF virus, sa loob ng nakalipas na apat na buwan.
Mula nang maiulat ang unang kaso ng ASF sa bansa ay 52,000 baboy na ang pinatay.
Kasama sa mga lugar sa Luzon na naapektuhan ng ASF ay Rizal, Bulacan, Quezon City, Pampanga, Antipolo, Pangasinan at Nueva Ecija.
Sinabi ng DA na bagama’t maraming napatay na baboy ay hindi naman magkakaroon ng kakapusan ng supply nito dahil 12.8 milyon ang total hog population at ang naapektuhan ng virus ay kumakatawan lamang sa 1/3.
140