(NI DANG SAMSON-GARCIA/PHOTO BY DANNY BACOLOD)
ISINANGKOT ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong si PNP chief, Police General Oscar Albayalde sa pagbibigay proteksyon at mistulang pang-iimpluwensya upang hindi maipatupad ang dismissal ng mga tinaguriang ninja cops.
Sa kanyang paunang pagsasalita sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Magalong na nang maganap ang tinutukoy nitong insidente sa Pampanga, si Albayalde ang Provincial Police Director dahilan kaya’t ito ay ni-relieve ni dating Central Luzon Regional Police Director Raul Petrasanta.
“During that time the provincial director was the incumbent chief PNP, General Oscar Albayalde,” saad ni Magalong.
Sa kalagitnaan din ng pagdinig, hinimok ni Magalong si PDEA Director General Aaron Aquino na sabihin na nito sa hearing ang mga nauna niyang salaysay sa kanya.
“This is a fight between right and wrong ba’t hindi mo sabihin kung sino kumausap sayo?” saad ni Magalong kay Aquino.
Dahil dito, isinalaysay ni Aquino na noong siya ang regional director ng Police Regional Office 3 noong 2016, tinawagan siya ni Albayalde at tinanong ang status ng kaso ng mga sinasabing ninja cops.
“Gen. Albayalde called me, it’s between July and December 2016, nagtatanong siya sa status of the case, yung case nina Bayolo. Sinabi niya sa akin na ‘Sir for the meantime baka pwedeng ipa-review muna yan. Tinanong ko bakit gusto nya malaman, sabi nya gusto ko malaman kung ano ang result ng investigation kasi mga tao ko ‘yan,” pahayag ni Aquino.
Sa gitna nito, iginiit ni Magalong na sa naunang usapan nila ni Aquino ang kwento sa kanya ay tumawag si Albayalde upang hilingin na huwag ipatupad ang dismissal order.
Binigyang-diin pa ni Magalong na isinagawa nila ang pagsisiyasat sa utos ni dating PNP chief, Alan Purisima laban sa mga tinukoy nitong ninja cops dahil sa pagkakaroon ng mga ito ng magagarang sasakyan kasama na rin si Albayalde.
Kinumpirma sa pagdinig na sa halip na dismissal order, naibaba lamang sa isang ranggo ang mga pulis na isinasangkot sa kaso ng recycling ng droga.
212