ALCOHOL TAX BILL APRUB NA

(NI BERNARD TAGUINOD)

INAPRUBAHAN sa isang upuan lang ng House committee on ways and means ang panukalang batas na magtataas ng buwis ng alak at lahat ng mga  inuming nakalalasing.

Sa botong 43 pabor at walang tumutol, inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda ang panukalang batas ng lahat ng uri ng alak kung saan balak itong ipatupad sa 2020.

Gamit ang Rule X, Section 48 ng House Rules, hindi na pinatagal ng komite ang pagdinig dahil ang nasabing panukala ay una nang pinagtibay noong 17th Congress subalit hindi inaksyunan ng mga senador kaya hindi naging batas.

Kabilang ang nasabing panukala sa mga economic measures na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maipasa ng dalawang Kapulungan ng Kongreso upang makalikom ng sapat na buwis na gagamitin sa iba’t ibang proyekto at programa ng pamahalaan.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ang mga alak na nabibilang sa tinatawag na “distilled spirits” tulad ng gin bilog na P47.80 ang SRP sa kasalukuyan ay magiging P51.70 sa 2020.

Ang 1000 ml na Red Horse na nabibilang sa fermented liquors na P86.90 ang SRP sa kasalukuyan ay magiging P93.10 naman sa 2020 habang ang isang pale pilsen na 320 ml na P34.40 ngayon ay magiging P36.40.

Layon ng nasabing panukala na madagdag ng P10.3 Billion sa mga mg fermented liquors sa 2020; P5.2 Billion sa Distilled Spirits at P0.1 Billion sa mga wines o P15.6 Billion at patuloy na itataas ang buwis sa mga ito hanggang 2024 kung saan P110.3 Billion ang inaasahang makolektang buwis sa loob ng 4 na taon.

Una nang ipinasa ang dagdag na buwis sa sigarilyo noong 17th Congress at nakatakdang ipatupad ito sa susunod na taon.

 

 

25

Related posts

Leave a Comment