ALICE GUO, 2 PA ‘SINAMPAL’ NG TAX EVASION NG BIR

SINIPA na sa pwesto, sinampahan pa ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Department of Justice (DOJ) kasama ang dalawang iba pa.

Kabilang sa kinasuhan sina Jack Uy at Rachelle Joan Malonzo Carreon, corporate secretary ng Baofu Inc.

Sa isang press briefing, sinabi ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., nag-ugat ang kaso sa binentang shares mula sa korporasyon nitong Baofu Land Development Inc. kay Jack Uy sa halagang P500,000 libong piso.

“We have filed a case for tax evasion against Alice Guo, Rachelle Carreon and Jack Uy in relation to the transfer of shares in Baofu Land Development Inc. from Guo to Uy. No CGT and DST returns were filed and paid,” dagdag pa ni Lumagui Jr.

Natuklasan ng BIR na walang capital gains tax at documentary stamp returns ang nai-file sa kanila ng pag-aaring korporasyon ni Guo na patunay na wala itong binayaran buwis sa ginawang pag-transfer.

Kakalkalin din ng BIR ang iba pang korporasyon ni Guo na posibleng tumakas sa pagbabayad ng malaking buwis.

Sina Guo, Carreon at Uy ay nahaharap sa criminal charges sa ilalim ng Section 254- Attempt to Evade or Defeat Tax, Section 255 -Failure to File CGT and DST Returns at Section 250- Failure to File/Supply Certain Information.

Sa kasalukuyan, patuloy ino-audit ng BIR ang entire business operations ni Guo, kaugnay pa rin sa Senate hearing na isinasagawa sa mga illegal activities ng nasibak na alkalde.

Dapat Lang Patalsikin

IKINATUWA naman ng dalawang senador ang guilty verdict at tuluyang pagsibak ng Ombudsman kay Alice Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac.

Ayon kay Senate committee on women Chairperson Risa Hontiveros, tama lang ang desisyong ito ng Ombudsman.

Iginiit ni Hontiveros na hindi nararapat maging alkalde sa anomang bayan sa Pilipinas ang aniya’y isang Chinese national tulad ni Guo Hua Ping.

Kasabay nito, pinatitiyak din ni Hontiveros na mananagot sa paglabag sa ating mga batas ang pinatalsik na alkalde at tiwala naman siyang doble ang pagsusumikap ng ating law enforcers na mahuli na si Guo.

Iginiit naman ni Senate committee on ways and means Chairman Sherwin Gatchalian na maaaring nagtatago ngayon si Guo pero hindi naman nito matatakasan ang kamay ng batas.

Idinagdag din ni Gatchalian na ang desisyong ito ng Ombudsman ay patunay na si Guo talaga utak at ang gumagalaw para maitayo ang POGO sa Bamban na sangkot sa mga ilegal na aktibidad gaya ng human trafficking, torture at money laundering. (JULIET PACOT/DANG SAMSON-GARCIA)

53

Related posts

Leave a Comment