ALICE GUO ‘DI MAPARURUSAHAN SA ACT OF ESPIONAGE

KAHIT mapatunayang isang espiya o sangkot sa paniniktik laban sa Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo ay hindi ito maparurusahan sa espionage.

Ito ay dahil walang angkop na batas na umiiral sa pangkasalukuyan laban sa mga espiya, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro sa isang chance interview kahapon nang magsilbing panauhing pandangal sa ginanap na Balangay Forum: Safeguarding Maritime Archipelagic Nation Awareness Month.

Ayon kay Sec. Teodoro, kailangang amyendahan kaagad ng Kongreso ang batas hinggil sa paniniktik laban sa Pilipinas.

Ito ay dahil ang espionage law ay epektibo lamang sa panahon na may digmaan.

“Kung ang tao na ito ay spy o hindi, hindi ‘yun ang mahalaga, ang mahalaga ngayon parusahan natin ang espionage sa panahon ng peace (peace time), kasi ang espionage law sa Pilipinas ay epektibo lamang during times of war so call to action din, alam na naman ng ating mambabatas na agaran nilang amyendahan ‘yung espionage law para maparusahan at makakilos ang gobyerno nang tama para sugpuin ito,” ayon sa kalihim.

Muling nabuhay sa isinasagawang House Quad Committee hearing ang isyu na isang espiya si Alice Guo nang ipalabas ang Al Jazeera documentary na nagdadawit sa pangalan ni Guo

Sa nasabing dokumentaryo, inilahad ng isang negosyante na nakakulong sa Thailand, na siya ay isang spy ng China’s Ministry of State Security.

Ayon kay She Zhijiang, siya at si Guo Hua Ping, ang alleged Chinese name ni Alice Guo, ay inilaan nila ang kanilang buhay sa China’s Ministry of State Security. Hinikayat nito ang Bamban, Tarlac mayor na sabihin sa buong mundo ang katotohanan kung ayaw niyang ma-eliminate.

Kaugnay nito, tiniyak ni Teodoro na iniimbestigahan na itong mabuti ng mga awtoridad, kung ano ang mga koneksyon ni Guo, kung sino man ang maaaring naging koneksyon nito, gaano kalawak ang kanyang aktibidad.

“What is clear is that she is not a Filipino. Secondly, she falsified documents to pretend that she is a Filipino and thirdly she was an active co-conspirator to a massive illegal criminal enterprise kung saan nagmula ang lahat ng illegal na activities.”

Subalit ang nakaiintriga ay ang 32-building complex na nag-operate malapit lamang sa AFP Training and Doctrine Command at Light Armor Division . “And you know all the authorities should have been aware of this at that time, particularly the local authorities.”

“Whether or not she is a spy, that is something yet to be determined with finality by the proper authorities”, ani Teodoro. (JESSE KABEL RUIZ)

28

Related posts

Leave a Comment