(NI BETH JULIAN)
NAGPALIWANAG si Presidential Spokesperson Salvador Panelo hinggil sa referral letter na kanyang ipinarating sa Bureau of Pardons and Parole para sa hiling na Executive clemency ni Marie Antonelvie Sanchez para sa ama niyang si convicted rapist/ murderer at dating Calauan mayor Antonio Sanchez.
Totoo rin umanong idinulog sa kanya ng pamilya Sanchez ang liham na humihiling na palayain ang convicted rapist, murderer na ex-mayor.
Sa press briefing sa Malacanang, sinabi ni Panelo na libu-libong mga sulat ang natatanggap ng kanyang opisina araw araw para sa iba’t ibang tulong na pinaaaksyunan sa Malacanang kabilang na ang sulat ni Antonelvie.
Ayon kay Panelo, tulad ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad aksyunan ang mga problemang idinudulog, ganoong sistema rin ang kanyang opisina na i-refer o ilapit
sa kaukulang opisina ng gobyerno ang hiling ng sinuman para mabilis itong matugunan.
Sa katunayan, ayon kay Panelo, ang referral letter na ipinaabot ng kanyang opisina sa Bureau of Pardons and Parole sa Executive clemency ay pareho lamang ang nilalaman sa ganoong uri ng kahilingan mula sa iba pang mga preso at pinapalitan na lamang ng pangalan na tinatawag na template letter.
Iginiit ni Panelo na kailanman ay hindi niya inirekomenda ang pagkakaloob ng Executive clemency para kay Sanchez dahil una sa lahat, ang mga natatanggap nilang sulat sa publiko mula sa kahit sino, kakilala man o hindi ay hindi naman ang kanyang opisina ang kailangang umaksyon, kundi ay iyong concerned agencies.
Nanindigan si Panelo na ang tanging magagawa lamang ng kanyang tanggapan ay i-refer ito.
Sinabi ni Panelo na matapos maidulog ng kanyang opisina ang liham noong Pebrero 26, ni Antonelvie para sa Executive clemency sa kanyang tatay, itinuon naman ito ng Bureau of Pardons and Parole noong Marso at sinabing ‘denied’ ito dahil may nauna na ring pasya rito noong December 2018 na denied din dahil sa bigat ng kasalanan.
Nanindigan si Panelo na wala naman siyang intervension o pakikiaalam na ginawa sa kaso ni Sanchez bagkus ay simpleng mandato lamang ng kanyang opisina o standard operating procedures na mag refer sa kaukulang ahensya ng gobyerno para sa kaukulang aksiyon.
344