ITO ang lumabas matapos magharap-harap ang mga kinakatawan ng Angkas, JoyRide at Move It sa executive session na isinagawa ng House committee on transportation na pinamumunuan ni Rep. Edgar Mary Sarmiento ng Samar.
Ayon kay Sarmiento, napagpasyahan na papayagan ang 45,000 motorcycle taxi sa Metro Manila subalit hindi ito sosolohin ng Angkas kundi tig-15,000 sila ng JoyRide at Move It.
“Sigurado tayo na lahat sila ay masaya,” ani Sarmiento matapos magkasundo na hati-hatiin sa tatlong nabanggit na kumpanya ang 45,000 motorcycle taxi na mamamasada sa Metro Manila.
Bukod sa Metro Manila ay papayagan na rin ang pamamasada ng tatlong nabanggit ng kumpanya sa Cagayan de Oro at Cebu kung saan binigyan ang mga ito ng tig-3,000 sa bawat probinsya kaya aabot sa 63,000 ang kabuuang motorcycle taxi na pinayagang mamasada.
Sinabi ni Sarmiento na babawiin ng Angkas ang isinampang kaso laban sa Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) dahil ibinigay na umano ang gusto ng mga ito.
Samantala, bubuo rin ng hiwalay na TWG ang Kamara para sa nasabing usapin at habang binubuo ang batas para payagan ang motorsiklo na gawing Public Utility Vehicle (PUV) ay magpapatuloy ang mga ito sa kanilang operasyon.
KINUWESTYON
Kinuwestiyon naman ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang foreign ownership ng Angkas na dapat aniyang sumunod sa itinakda ng batas upang maiwasang magkaroon ng problemang legal at masagip ang hanapbuhay ng maraming driver.
Sa panayam matapos mamahagi ng relief goods sa nasunugan sa Las Piñas City, sinabi ni Go na kahit nahimok niya ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na ipagpatuloy ang pilot run, kailangan pa ring tumupad ang Angkas sa itinakda ng Saligang Batas.
Nauna nang natuklasan ng Department of Transportation (DOTr) na pag-aari ng Singaporean ang 99% ng sapi ng pamuhunan sa Angkas na paglabag sa itinakda ng Saligang Batas na 60-40 sharing na ibig sabihin, kailangan 60 porsiyento ng sapi ay pag-aari ng Filipino.
Sa kanilang panig, sinabi ng Angkas na kanilang itatama ang ownership issue.
Kasabay nito, binanggit ni Go na kailangang amyendahan ang batas upang maging legal ang operasyon ng motorcycle taxis pero, hinikayat niya ang mga stakeholder na iwasan ang akusasyon o usaping legal at magpokus sa koordinasyon at diyalogo.
IBINASURA
Nawala ang malatigreng tapang ng abogado ng Angkas motorcycle taxi service nang ihayag nito sa Senate Committee on Public Services na ibinabasura ng nasabing kumpanya ang monopolyo sa nabanggit na bagong moda ng pampublikong transportasyon.
Habang nakikinig ang mga senador sa pangunguna ni Senadora Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, sabi ni Atty. Ariel Inton, pabor ang Angkas sa kumpetisyon ng mga motorcycle taxi.
Si Inton ay pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na nagsisilbing abogado ng Angkas.
Siya rin ay naging board member ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa panahon ni dating Pangulong Benigno Cojuangco Aquino III kung saan kaliwa’t kanan ang akusasyong talamak ang katiwalian at korapsyon sa ahensya.
Ang pahayag ni Inton sa komite ng Senado ay malayo sa unang posisyon at pagtatanggol ng LCSP sa monopolyo ng Angkas.
Matatandaang tahasang kinuwestiyon ng LCSP ang pagtanggap ng Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) sa mga kumpanyang JoyRide at Move It bilang bahagi ng pinalawig na “pilot test run” ng motorcycle taxi mula Disyembre 2019 hanggang Marso ng taong kasalukuyan.
Katunayan, inakusahan noon ng pangkat ni Inton ng korapsyon ang TWG na pinamumunuan ni Antonio Gardiola nang pinapasok ang JoyRide at Move It at nang magpataw ng 10,000 cap sa motorcycle riders sa bawat isa sa tatlong kumpanya para sa National Capital Region (NCR), at 3,000 sa bawat kumpanya para sa operasyon sa Cebu.
Ayon kay Gardiola, inimbento lamang ang mga paratang ng Angkas laban sa TWG. BERNARD TAGUINOD, ESTONG REYES, NELSON S. BADILLA
247