PINALAGAN ng Department of Transportation (DOTr) ang paghahain ng kaso sa korte ng motorcycle ride-hailing app na Angkas kaugnay sa ginagawang pilot testing ng pamahalaan sa mga motorcycle taxi.
Sinabi ni Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, lumutang na ang pagiging doble-kara ng Angkas dahil nauna silang humingi ng paumanhin sa pamahalaan sa pamamagitan ng media ngunit matapos nito ay humingi naman ng Temporary Restraining Order sa korte.
Nangako aniya ang Angkas na susunod sa mga panuntunan na ipinatutupad ng gobyerno pero kinuwestyon naman nila ito sa hukuman.
“Dito natin makikita na doble kara ang Angkas. Nag-sorry sila sa harap ng media. Nangako na susundin nila ang guidelines at makikipag-usap sa gobyerno. Ngayon, nagpunta sila sa korte para i-challenge ang gobyerno,” pahayag ni Libiran.
Kasama sa petisyon ng Angkas na tanggalin sa pilot study ang iba pang motorcycle ride-hailling app na JoyRide at Move It.
Nakuwestyon ng opisyal ang Angkas sa posibilidad na gusto lamang nitong makuha ang monopolyo sa operasyon ng motorcycle taxis sa bansa.
“Gusto nila, sila lang. Hindi ba pagkontra rin ito sa dati nilang statement na wala silang problema sa kumpetisyon? Ano yon, kasinungalingan lang?” ayon pa sa opisyal.
Naunang sinabi ng DOTr-Techical Working Group na maraming nilabag sa umiiral na mga panuntunan ang Angkas kabilang ang pag-o-operate sa labas ng pilot testing area, mataas na pasahe at hindi pagsusuot ng mga rider at pasahero nito ng tamang safety gears.
Bukod dito, lumabas mula sa datos ng Securities and Exchnage Commission (SEC) na ang Angkas ay 99-porsiyentong pag-aari ng dayuhan na labag sa batas patungkol sa common carriers. (JG Tumbado)
216