ANGKAS IBA-BLACKLIST SA MOTOR TAXIS

angkas44

INIHAYAG ng Inter-agency Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) sa Senado na ipaba-blacklist ang may-ari at kompanya ng Angkas bilang alternatibong sistema ng transportasyon.

Lumitaw ito sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe nang kuwestiyunin ni Senador Imee Marcos si TWG head Antonio Gardiola sa nilalaman ng report na isinumite nito sa Kongreso.

“‘Yung recommendation 19, blacklisting of Angkas and its incorporators. Hindi individual riders ‘yan kundi buong kumpanya,” ayon kay Marcos.

Sinabi ni Gardiola na kanilang inirekomenda na i-blacklist ang Angkas na lumahok bilang motorcycle taxi service provider sa pamamagitan ng ride hailing platform o application kahit aamyendahan ang Republic Act 4136 dahil nilabag nito ang guidelines na itinakda ng TWG.

Aniya, maraming nilabag ang Angkas sa ipinalabas na guidelines ng TWG hinggil dito.

“Sa unang guidelines ang nakalagay na area of study ay NCR (National Capital Region) at Cebu. Andun sa guidelines na bawal mag-operate sa ibang areas pero sila nag-operate sa CDO (Cagayan de Oro), GenSan (General Santos), and Pampanga,” aniya.

Sa ginanap na pagdinig, umaasa naman si Angkas chief transport advocate George Royeca na hindi sila ma-blacklisted.

“Sana po hindi kami ma-blacklist. Sana po kasama kami sa extension ng pilota. We have complied and we have been complying even with the new TWG nagko-comply kami,” ayon kay Royeca.

Hinikayat niya ang TWG at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na isantabi ang kanilang galit sa Angkas.

“Sa kabila ng lahat ng nangyayari, andito pa rin kami at handang makipagtulungan sa LTFRB upang makalikha nang maayos na datos sa motorcycle taxi,” ayon kay Royeca. ESTONG REYES

156

Related posts

Leave a Comment