(DANG SAMSON-GARCIA)
HINIKAYAT ni Senator Risa Hontiveros si resigned Sugar Regulatory Administration (SRA) Chief David Thaddeus Alba na ilahad ang katotohanan sa mga kinukuwestyong importasyon ng asukal.
Una nang kinumpirma ng Presidential Communications Office (PCO) na nagbitiw si Alba sa pwesto dahil sa hindi magandang lagay ng kanyang kalusugan.
Hinala ni Hontiveros na posibleng nag-resign si Alba sa posisyon dahil nakita nitong ginagawang ‘rubber stamp’ lang ng gobyerno ang SRA para gawing lehitimo ang pagpabor sa tatlong traders ng asukal na sinasabing paborito ng Department of Agriculture (DA).
Ipinaliwanag ni Hontiveros na sa kabila ng mga pressure ng DA ay hindi lumagda si Alba sa sugar release order para sa mga smuggled na asukal na hanggang ngayon ay nakaipit sa Batangas.
Pinuri rin ni Hontiveros si Alba sa prinsipyong pinanghahawakan nito sa kanyang posisyon.
Dahil dito, hinimok ni Hontiveros si dating Administrator Alba na lumantad at magsalita na tungkol sa katotohanan sa sugar importation.
Maging ang ibang opisyal na may nalalamang impormasyon ng iregularidad ay hinimok din ng senadora na magsalita na.
Muli ring umapela si Hontiveros sa administrasyon na palakasin ang ‘value chain’ ng agricultural development at huwag ang ‘value chain’ ng korapsyon.
