PINAG-AARALAN ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero ang paglalagay ng special provision sa General Appropriations Act na magbabawal sa mga tinatawag na ‘Epalitiko’ o paglalagay ng pangalan ng pulitiko sa mga proyekto ng gobyerno.
Sinabi ni Escudero na hindi nakapasa bilang batas ang isinulong nila noong Anti-Epal Bill kaya’t hanggang ngayon ay may mga proyekto na nilalagyan ng mga pangalan ng mga pulitiko.
Mahabang proseso rin anya kung isusulong pa nila ang panibagong panukala kaya’t mas magiging makabuluhan at mabilis kung isasama na lamang ito bilang special provision sa GAA.
“Isa sa mga pinag-aaralan ko ngayon, imbis na dumaan tayo sa mahabang proseso ng pagpasa ng panukalang batas na naman, pinapapag-aaralan ko na sa mga abogado kung maaari bang ilagay na lamang yan bilang isang special provision sa General Appropriations Act,” sinabi ni Escudero.
“Para sa gayon, lahat ng gastusin na pamahalaan gamit ang public funds, hindi pwedeng lagyan ng pangalan o mukha ng sino mang opisyal, elected man o appointed,” diin pa ng Senate leader.
Naniniwala ang mambabatas na hindi ito maidedeklarang unconstitutional dahil kadalasan namang naglalagay ng special provision ang mga mambabatas sa GAA.(Dang Samson-Garcia)
45