ANTI-TERROR BILL, HINIHIMAY PA BAGO PIRMAHAN NI PDU30

HINIHIMAY pang mabuti ng gobyerno ang benepisyo ng Anti-Terror Bill sa panahong may banta ng terorismo.

Sa Laging Handa press briefing ay sinabi ni Sec. Roque na kumbinsido siya na maayos at mabuti naman ang paliwanag ng mga may-akda ng panukalang batas, kasama ang pangunahing may-akda na sina Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at Vicente ‘Tito’ Sotto.

“Ang buong gobyerno naman po dahil sinertipikahan ito bilang urgent, iniisa-isa at hinimay-himay ang benepisyo ng isang anti-terror law sa panahon na talagang banta po ang modern-day terrorism,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ulat, sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na maaari namang baguhin o bawiin ang batas kung may tama ang mga kritiko o tumutuligsa sa batas.

May panawagan kasi sa ‘law enforcers’ na tiyakin ang ‘zero abuses’ sa kontrobersyal na ‘anti-terrorism measure’ kapag ito ay tuluyan nang naisabatas.

“The government should prove the critics wrong,” ayon kay Cayetano sa ginanap na turnover ng donasyon sa military frontliners na patuloy na lumalaban sa COVID-19 pandemic.

“Kayong mga kritiko, we appreciate your criticisms but in this case, we hope that you are wrong. And if you are not wrong, at any point in time, we can amend or repeal,” giit ni Cayetano.

“Some of you will say it might be too late. ‘Yun rin po ang sinasabi namin e, ‘pag sumabog na ‘yung bomba, patay na ‘yung mga tao, nagiba na yung airport, wala nang turistang pupunta sa atin, it’s also too late,” dagdag pa ng House Speaker.

Pirma na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kulang bago maging isang ganap na batas ang kontrobersiyal na Anti- Terrorism Bill.

Una nang sinabi ng Commission on Human Rights na mapanganib ang panukala sa karapatang pantao. CHRISTIAN DALE

71

Related posts

Leave a Comment