ANTI-TERROR BILL, KUKUWESTIYONIN SA SC

KUKUWESTIYONIN ng oposisyon sa Korte Suprema ang Anti-Terror Bill sa sandaling pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at maging batas dahil sa paniniwalang ‘unconstitutional’ ito.

Ito ang kinumpirma ni House minority leader Bienvenido Abante sa virtual press conference ng kanilang grupo, kaugnay ng nasabing panukala na niratsada ng Kamara matapos sertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent bill.

“Yan po ay laban talaga sa Constitution kaya we are thinking of going to the Supreme Court if ever the Anti-Terror bill becomes a law,” ayon sa mambabatas.

Habang naghahanda ang oposisyon, pinagtibay naman ang panukala o House Bill (HB) 6875 sa ikatlo at huling pagbasa sa botong 173 pabor, 31 kontra at 29 abstention samantalang sinabayan ito ng mga militanteng mambabatas ng kilos protesta sa labas ng Batasan Pambansa.

“Talagang pinag-uusapan na po namin sapagkat number one, against po sa Constitution yung warrantless arrest,” ani Abante dahil kabilang sa mga probisyon sa nasabing panukala ay maaaring arestuhin ang isang tao dahil lamang sa hinalang terorista ito.

“Number two, eh hindi naman po tama sa Constitution na huhulihin mo yung tao and you detain them for 14 days, may extension na 10 days, and they may not even be charged in court,” dagdag pa ni Abante.

Pawang paglabag umano sa Saligang Batas ang ilang probisyon sa nasabing panukala kaya nanganganib ang kalayaan ng mga Filipino na nagpapahayag lamang ng kanyang saloobin sa gobyerno.

Nangangamba naman si Iloilo Rep. Janette Garin na lalong maabuso ang karapatan ng mamamayang Filipino dahil kahit sino ay puwedeng akusahang terorista at arestuhin kahit walang matibay na ebidensya. BERNARD TAGUINOD

81

Related posts

Leave a Comment