APELA NG DOH SA PUBLIKO KAUGNAY NG KUMAKALAT NA VIRUS: UMIWAS SA FAKE NEWS

UMAPELA ang Department of Health (DOH) sa publiko na iwasang magpakalat o maniwala sa mga maling balita kaugnay sa novel coronavirus.

Kasabay nito ay muling iginiit ng DOH na nananatiling novel coronavirus (2019-nCov) free ang Pilipinas.

Ayon sa abiso ng DOH, kahapon ay wala pang kumpirmadong kaso ng naturang virus sa bansa.

Kasabay nito, pinag-iingat ng ahensya ang publiko sa lahat ng kanilang mga kinakain, partikular na ang mga tinatawag na “exotic food.”

Ang payo ni Health Secretary Francisco Duque III ay sa harap na rin ng mga naglalabasang ulat na maaaring paniki at ahas ang pinagmulan ng 2019 NCoV na namiminsala na ngayon sa iba’t ibang bansa, partikular sa Wuhan, China.

Paglilinaw naman ni Duque, wala pang kumpirmasyon sa naturang mga report ngunit mabuti na aniyang maging maingat ang lahat.

Sa kabilang dako, nanawagan din si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa mga gumagamit ng social media platform tulad ng Facebook at Twitter na huwag magpakalat ng hindi naberipika, nakalilito o mapanlinang na impormasyon patungkol sa coronavirus.

Partikular na pinansin ng alkalde ang ilang “post” sa Facebook na nagsasabing nakapasok na raw ang coronavirus sa Pasay at inilagay sa quarantine ang Pasay City General Hospital.

Sa ulat ni  PCGH Head Dra. Lou Ocampo kay Mayor Calixto-Rubiano, pinabulaanan nito ang kumalat na balita. (DAHLIA S. ANIN, DAVE MEDINA)

189

Related posts

Leave a Comment