ARAW NG KALAYAAN PAYAPA SA KABILA NG MAÑANITA PROTEST

INIHAYAG ng Philippine National Police na maituturing na generally peaceful ang paggunita ng sambayanang Filipino sa ika-122 Araw ng Kalayaan kahapon sa kabila ng inilunsad na kilos protesta ng daan-daang manggagawa, mag-aaral, mga guro at iba’t ibang militanteng grupo na tinawag na mañanita.

Sa Maynila, naging hudyat ng pagdiriwang ng 122nd Independence Day ang Wreath Laying Ceremony sa Rizal Park na pinangunahan nina Executive Secretary Salvador Midealdea na kumatawan kay President Rodrigo Duterte kasama si Philippine Navy Flag Officer In Command Vice Admiral Giovanni Carlo J. Bacordo bilang military host ngayong taon at Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na siyang civilian host.

Nilimitahan lamang sa sampu ang bisita sa seremonya sa monumento ni Jose Rizal bilang pagsunod sa Inter-Agency Task Force’s health and safety protocols.

Halos sabay-sabay ang idinaos na selebrasyon ng Independence Day sa ilang panig ng bansa na may temang “Kalayaan 2020: Tungo sa Bansang Malaya, Nagbabayanihan at Ligtas”.

Kabilang sa aktibidad ang pagbibigay-pugay sa mga frontliner na patuloy na naglalaan ng kanilang oras, lakas at buhay para lamang siguraduhin na ligtas ang lahat sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“The PN pays tribute to our heroes who fought valiantly for our country’s freedom and sovereignty. I also would like to salute our modern-day heroes, our healthcare workers fighting the COVID-19 pandemic,” ani VAdm Bacordo.

“Muli, kami sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa makabuluhang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. Nawa’y mag-udyok ito sa bawat Filipino na pagningasin ang taus-pusong paglilingkod, kabayanihan at pagiging makabayan..”

pahayag naman ni Armed Forces chief of Staff Gen Felimon T. Santos.

Sa makasaysayang Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite ay isinagawa ang maiksi at simpleng selebrasyon para sa Araw ng

Kasarinlan ng bansa kung saan 100 bisita naman ang pinayagang dumalo mula sa miyembro ng media, organizers, pulis, militar at technical staff.

Samantala, sa kabila ng pag-ulan at banta ng COVID-19, hindi nagpaawat ang iba’t ibang grupo na magtipon-tipon sa University of the Philippines campus sa Diliman, Quezon City para paputukin ang kanilang “Grand Mañanita” protest.

Tinawag na “Mañanita” protest ang pagtitipon na kinuha sa mañanita” party ni Maj. Gen. Debold Sinas ng National Capital Region Police Office (NCRPO). JESSE KABEL

88

Related posts

Leave a Comment