AREAS OF CONCERN TUTUKUYIN NG COMELEC

TUTUKUYIN na ng Commission on Elections (Comelec) sa Huwebes ang mga ‘areas of concern’ na nasa kanilang talaan kaugnay ng darating na halalan sa Mayo 9.

Sinabi ni Commissioner George Garcia, sa Laging Handa briefing, na ang talaan ay base sa isinumite ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na may ‘color coded’ ang bawat lugar.

“Asahan po ninyo by siguro hanggang Thursday ay mag-announce po ang Comelec sa pamamagitan po en banc, i-a-announce po natin kung ano talaga ‘yung areas of concern,” ayon kay Garcia.

Sa klasipikasyon ng PNP, nilagyan nila ng kulay na berde, dilaw, kahel (orange) at pula ang bawat lugar depende sa antas ng katiwasayan nito pagsapit ng halalan.

Ang berde ay ikinukonsidera na ‘generally peaceful’ pagsapit ng halalan, ‘areas of concern’ naman ang mga lugar na inilagay sa dilaw dahil sa mga nakaraang insidente ng karahasan sa dalawang magkasunod na halalan.

Ang kahel naman ay ‘areas of immediate concern’ dahil sa presensya ng mga armadong grupo tulad ng New People’s Army and Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, habang ang pula ay mga lugar na parehong may naganap na karahasang ng mga angkang politiko at mga armadong grupo.

Hindi na umano gagamitin ang terminong ‘election hotspots’ tulad ng napagkasunduan nila ng Department of National Defense at ng National Intelligence Coordinating Agency. (RENE CRISOSTOMO)

90

Related posts

Leave a Comment