EPEKTIBO ang pag-iingay ng sektor ng pagsasaka kasama na ang mga consumer hinggil sa planong pag-aangkat ng National Food Authority (NFA) ng 330,000 metriko toneladang bigas matapos itong iatras ng ahensya.
“It is well and good that the National Food Authority (NFA) has abandoned its ludicrous plan to import 330,000 million metric tons of rice for buffer stocking,” ani Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairman emeritus at dating Congressman Rafael Mariano.
Gayunpaman, iginiit ni Mariano na kailangang bilhin ng NFA ang ani ng mga magsasaka upang magkaroon ang mga ito ng sapat na stock habang nag-aanihan at hindi ikatuwiran sa mga susunod na buwan na ubos na supply at kailangan nang mag-angkat.
Sinabi ng dating solon na 520,000 metric tons ng palay lang ang kailangang bilhin ng NFA at kapag nagiling na ito ay magkakaroon ng 338,000 metric tons ng bigas na sobra pa sa 330,000 MT na plano ng NFA na angkatin.
Katumbas lang aniya ito ng 20 hanggang 25% na rice production sa bansa at kaya ng gobyerno na pondohan ito kung nanaisin.
Kailangan lang aniya na mas mataas ang presyo ng NFA kumpara sa rice traders at hindi dapat maarte ang mga ito sa pagbili dahil tanging ang clean and dry at skin dry lang ang binibili ng mga ito noon.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang mga rice trader ay binibili ang lahat ng klase ng palay lalo na ang mga fresh o hindi pa naibibilad bagay na hindi ginagawa ng NFA kaya sa mga pribadong negosyante nagbebenta ang mga magsasaka lalo na’t pahirapan at dagdag na gastos sa kanila ang pagpapatuyo ng kanilang ani.
“Kayang punuan through local procurement ang suplay ng buffer stocking nang hindi nagi-import. Kailangan lang seryoso at may political will ang NFA para bumili ng palay sa mga magsasaka,” ani Mariano.
Maliban dito, kailangan seryosohin aniya ang pag-amyenda sa RA 11203 o Rice Liberalization Law na kilala bilang Rice Tariffication Law, dahil ito ang nagpapalugmok sa mga lokal na magsasaka at tanging ang rice importers ang nakinabang. (BERNARD TAGUINOD)
