AYALA AT MVP SWAK SA PLUNDER — DUTERTE

Kapag napatunayan, Drilon kakasuhan din

(Ni: NELSON S. BADILLA)

KAHIT mayroong bagong kontrata na iaalok ang pamahalaan sa Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc., hindi inaatras ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang plano na sampahan ng kasong “plunder” o “syndicated estafa” ang mga may-ari at namamahala ng dalawang kumpanya.

Kumbinsido si Duterte na “swak” ang magkapatid na sina Fernando Zobel de Ayala at Jaime Augusto Zobel de Ayala II, ang mga may kontrol ng Ayala Corporation na siyang may-ari at namamahala ng Manila Water at si Manny V. Pangilinan o “MVP” na namamahala ng Maynilad, sa dalawang nabanggit na kaso.

Kamakailan, idiniin uli ng pangulo sa magkapatid na Ayala at MVP na kahit pumayag at nilagdaan nila ang bagong kontratang inihanda ng pamahalaan ay hindi nakatitiyak ang mga ito na hindi sila makakasuhan. “I do not give you a guarantee that no charges will be filed. For all that I can really say about this, I am not the only Filipino who is interested in the prosecution of crimes,” pahayag ng pangulo.

“As a lawyer, when I looked at the contract, it was full of shit, because… in that document is the exact copy of the Anti-Graft and Corrupt Practices [Act]. Your crime, it could be plunder or it could be a syndicated or estafa on a large scale. In which case, it is non-bailable. If you want to go out? Go ahead. But you will be a fugitive for all time. And I guarantee you, you will never come back as a whole person,” birada ni Duterte sa kanyang talumpati kamakailan.

Ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) ang gumawa ng panibagong kontrata kung saan tinanggal ang mga kontra-mamamayan at kontra-pamahalaang probisyon tulad ng pagpapabayad sa mga kostumer ng corporate income tax, water treatment facility at environment enhancement.

Binanggit uli ni Duterte na matagal nang “ginagatasan” ng Manila Water at Maynilad ang mga negosyante at residente sa Metro Manila.

Ang kontrata ng Manila Water at Maynilad sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay nagsimula noong 1997 (panahon ni Fidel Ramos) at matatapos sa Hunyo 30, 2022 matapos ipatigil ni Duterte ang pagpapalawig ng kasunduan ng hanggang 2037 noong 2009 (termino ni Gloria Macapagal Arroyo).

Bukod sa magkapatid na Ayala at kay MVP, hinahabol din ni Duterte ang mga nagbalangkas sa kontrata ng tubig.

Isa sa pinaniniwalaan ni Duterte na may kinalaman sa kontratang magtitiyak na hindi malulugi ang Manila Water at Maynilad ay si Senador Franklin Drilon.

Kapag nakakuha ng ebidensiyang magsasabing isa si Drilon sa mga salarin na gumawa ng kontrata ng Manila Water at Maynilad sa MWSS ay siguradong pakakasuhan ng pamahalaan si Drilon, ratsada ni Duterte.

Ang orihinal na may kontrol ng Maynilad ay ang pamilya Lopez, sa pamamagitan ng Benpres Corporation.

Noong 2007, nabili ng DMCI-MPIC Water Company, kumpanyang itinayo ng pamilya ni David Consunji at ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na pinamamahalaan ni Pangilinan.

Umabot sa 84 porsiyento ang nabili ng pangkat ni Pangilinan at ng pamilya Consunji sa share of stocks ng Benpres Corporation sa Maynilad.

762% ANG ITINAAS

Ipinaalala ni Rodolfo “RJ” Javellana, pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters (UFFC), na bago mapunta sa Manila Water at Maynilad ang negosyo ng distribusyon ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan, wala pang P2.50 kada kubiko metro ang singil sa tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Ngayon 2020, umaabot na halos sa P35 bawat kubiko metro ang singil ng Manila water at Maynilad, wika ni Javellana.

Nabatid ng Saksi Ngayon na umabot sa P54.9 bilyon ang tubo ng Manila Water mula 2009 hanggang 2018, samantalang P64.6 bilyon naman ang tubo ng Maynilad sa parehong haba ng taon.

Ganito rin ang pananaw ng ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Imbes na bumaba ang presyo ng tubig sa kamay ng mga dambuhalang negosyante, tumaas pa ito ng hanggang 762% mula nang hawakan ng mga ito ang water distribution service sa nakaraang 25 taon.

Ito ang pahiwatig ng Makabayan bloc na isang patunay na pinagkakitaan lamang umano ng mga Ayala at Pangilinan ang water service.

Ayon sa nasabing grupo na kinabibilangan nina Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ng Bayan Muna; Rep. Arlene Brosas ng Gabriela, ACT party-list Rep. France Castro at Kabataan party-list Rep. Sarah Elago sa kanilang inihaing House Resolution (HR) 19, malinaw na lalong nagmahal ang serbisyo sa tubig mula nang hawakan ng Maynilad at Manila Water ang water service distribution.

Sinabi ng grupo na bago isinapribado ni dating Pangulong Fidel Ramos ang water distribution noong 1997 ay P.4.02  per cubic meter lang ang singil ng MWSS sa East Zone na hawak ngayon ng Manila Water.

Ngunit mula nang hawakan ng Manila Water  ang water service, umabot na anila sa P34.65 per cubic meter ang presyo ng tubig o katumbas ng 762% na pagtaas sa nakaraang 20 taon o mula 1997 hanggang 2017.

Ganito rin ang nangyari sa mga customer ng Maynilad sa West Zone dahil mula sa dating P7.21 per cubic meter bago naisapribado ang water service noong 1997 ay umaabot na ngayon sa P46.75 ang presyo nito noong 2017 o 548% na pagtaas.

Dahil dito, umapela ang nasabing grupo na huwag nang ibalik sa pribadong sektor ang water service distribution dahil pagkakakitaan lamang ng mga negosyante ang serbisyong ito.

“Constitutional rights ng mga tao na magkaroon ng malinis at sapat na supply ng tubig,” ayon sa grupo, kaya dapat ang gobyerno ang magpapatakbo nito at hindi ang mga pribadong negosyante na wala umanong hangad kundi kumita lamang imbes na magserbisyo. (May dagdag na ulat si BERNARD TAGUINOD)

213

Related posts

Leave a Comment