AYUDA DISTRIBUTION ITITIGIL KAPAG MASAMA PANAHON

MALAKI ang posibilidad na ipagpaliban ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ayuda kapag may banta ng sama ng panahon.

Ito’y kaugnay ng trahedyang sinapit ng mahihirap na residente sa Tanay, Rizal na inanod habang pauwi galing sa pagtanggap ng ayuda.

Sa ulat, pitong senior citizens at isang 5-taong-gulang na bata ang nasawi nang tangayin ng rumaragasang tubig ang jeep na kanilang sinasakyan sa Barangay Sta. Ines matapos mag-withdraw ng ayuda sa nasabing bayan.

Tinuran ni Assistant Secretary Romel Lopez, tagapagsalita ng DSWD, na mas mabuting isaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan at mga kukuha ng ayuda.

“Ayaw na po natin maulit ang ‘yung pangyayari na ‘yon [sa Rizal]. So ngayon po ang way forward po ng DSWD, kapag may banta po ng sama ng panahon ay maaari na po natin ipagpaliban ‘yung mga ganitong payout. Although ang kalaban naman po natin dito… ay mga kababayan natin na matagal na pong naghihintay kung anomang assistance ‘yung kanilang natatanggap,” ang pahayag ni Lopez.

Magkagayon man, sinabi ni Lopez na kailangang balansehin pa rin ang kaligtasan ng mga tao.

Sa ulat, tumatawid ang sinasakyang jeep ng mga biktima sa ilog nang mabalahaw ito at kalaunan ay hinampas ng rumaragasang tubig sa ilog.

Dahil dito, kagyat na humiling ng pagbabago sa sistema ng pagbibigay ng ayuda ang Tanay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)

Sinabi ng MDRRMO, nagkaroon na ng pag-uusap ang Office of Civil Defense kasama ang Regional DSWD at ipapaalam ang hiling na pagbabago sa sistema sa national government.

Sakaling magbago ang distribution system, winika ni MDRRMO head Norberto Matienzo Jr., na makatutulong ito sa mga indigenous people at senior citizen.

Magbibigay naman ani Lopez ang DSWD ng psychosocial counseling at cash assistance sa mga kaanak ng biktima.

“Ang DSWD po ay nakikipag-coordinate na po sa kanilang mga kaanak. Ikinalulungkot po namin ‘yung nangyari at kasabay po nito sa pakikipag-coordinate bukod po sa psychosocial counseling po na gagawin sa mga kamag-anak po, mga naiwan po ng nadisgrasya po sa insidente na ‘yan ay magbibigay din po tayo ng burial assistance minimum po ito ng P10,000 at ganoon din po para sa mga nasugatan naman ay makakatanggap din sila ng P5,000 bukod po sa family food packs na ipapamahagi po natin sa kanila,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)

36

Related posts

Leave a Comment