(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
NANINIWALA ang grupo ng mga manggagawa na ang parating na eleksyon ang pangunahing dahilan ng pagtutok ng gobyerno sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon kay Ka Leody de Guzman, pangulo ng Partido Lakas ng Masa, bagaman makatwiran, hindi ipatutupad ng gobyerno ang “subsidyo para sa tamang pasweldo” sa mga MSMEs (micro, small,medium scale enterprises).
“Bakit? Dahil mas nais nila ang “ayuda” na dumadaan ang makinarya ng mga elitistang trapo – mula sa barangay pataas – dahil ito ang inaasahan nilang magmobilisa ng boto tuwing halalan,” ani Ka Leody.
Kinuwestyon naman ng dating taga-National Anti-Poverty Commission (NAPC) ang pamamahagi ng ayuda ng kasalukuyang administrasyon.
“‘Yung ayuda, pang emergency purpose lang iyan- may krisis kaya kailangan mag-ayuda para temporarily tulungan iyong tao, pero sa ngayon, wala na tayong COVID-19 pandemic di ba?” ani Ex-NAPC Lead Convenor Atty. Noel Felongco.
Sa halip ay nagagamit lang aniya ito sa pamumulitika.
“Ayuda lang dito, ayuda doon pero ang dating naman ay ginagamit ng mga politiko para sa kanilang eleksyon. Hindi talaga totoong nakatulong doon sa pag-angat ng kabuhayan ng ating mga mahihirap na kababayan,” aniya.
Imbes na puro ayuda, dapat aniyang pagtuunan na lang ng gobyerno ang pagbuo ng pagkakakitaan.
Sa isang Facebook post naman ng unang Executive Secretary ni Pangulong Bongbong Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, iginiit nito na mas dapat pagtuunan ng gobyerno ang mga programa katulad ng makatotohanan at komprehensibong flood control program, pagpapalakas sa health insurance program at hindi pagbawi sa P89.9 bilyong pondo ng PhilHealth, pagbibigay ginhawa’t benepisyo sa mga ordinaryong empleyado tulad ng isa o dalawang buwan na income tax holiday.
Samantala, tinawag ng mga manggagawa na malaking kalokohan ang food budget na inilabas ng NEDA para sa ordinaryong pamilya.
Ayon sa Partido Lakas ng Masa (PLM), masyadong mababa ang batayan ng “poverty threshold” at ng pagiging “food poor” ng gobyerno. Posibleng ito umano ang dahilan kaya tutol ang NEDA sa iginigiit nilang umento sa sahod.
“Sa pinalabas na datos ng NEDA, muling tumitingkad hindi lamang ang reklamo ng publiko sa sumisirit na presyo ng mga bilihin kundi ang ating karaingan para sa wage increase at sa price control,” ayon pa sa grupo.
47