AYUDA SA MGA TSUPER PINADADAAN SA CASH TRANSFER SCHEME

HINILING ni Senador Grace Poe sa pamahalaan na gamitin ang cash transfer scheme upang mapabilis ang paghahatid ng ayuda sa mga drayber ng public utility vehicle (PUV).

Sa pahayag, sinabi ni Poe na kailangan maideposito na kaagad ang tulong ng pamahalaan sa mga PUV driver dahil sila ang lubhang tinamaan ng COVID-19 lockdown kaya wala silang kita sa loob ng mahigit dalawang buwan.

“Deposit aid now to public utility vehicle (PUV) drivers who have yet to receive cash assistance,” giit ni Poe.

Hiniling din ni Poe sa mga ahensiya na namamahagi ng tulong na gamitin ang direct money transfer sa account ng beneficiaries o sa pamamagitan ng mobile money transfers upang mapabilis ang proseso.

“Puwedeng kunin ng mga organisasyon ng PUV drivers ang pangalan at account number ng kanilang mga miyembro, at direct deposit na ang pera sa account nila, kung meron,” ayon kay Poe.

Naunang iminungkahi ni Poe sa mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang mga user-friendly na apps tulad ng money transfer companies na ginagamit ng maraming tao sa pagpapadala at pagtanggap ng pera.

“Digital cash transfers should be maximized for quicker response, especially in this time of pandemic which requires social distancing,” giit ni Poe.

Mula sa 90,000 na tinatayang benepisaryo sa National Capital Region, tanging 40,418 PUV at transport network vehicle service drivers ang nakatanggap ng Social Amelioration Program ng pamahalaan na nakatala sa May 11 report ng executive department sa Kongreso hinggil sa implementasyon ng Bayanihan To Heal As One Act.

Ikinalungkot pa ni Poe na binawasan ang original list ng benepisaryo na isinumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) pero mabagal pa rin ang distribusyon ng cash aid. ESTONG REYES

95

Related posts

Leave a Comment