AYUDA SA MIDDLE CLASS WORKERS TATAPUSIN SA JUNE 25

TARGET ng Department of Finance na matapos ang pamimigay ng cash assistance sa middle class workers na nagtatrabaho sa Micro, Small and Medium Enterprises pagsapit ng June 25.

Sa Laging handa public press briefing, sinabi ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino na sa ngayon ay nasa 97.4% na sila o kabuuang 3.3 milyong middle class workers na ang napagkalooban nila ng lima hanggang walong libong tulong pinansyal.

Wala pa aniyang 2 buwan at matatapos na nila ang pamimigay ng ayuda sa middle class workers na naapektuhan o hindi sumuweldo nuong ipinatupad ang enhanced community quarantine.

Iyon nga lamang, ang tanging problema sa ngayon ay ang maling impormasyon na naisumite ng employers tulad na lamang ng maling account number o cellphone number ng manggagawa kung kaya’t hindi pa nila matanggap ang tulong pinansyal.

Kasalukuyan na aniyang nakikipag-ugnayan ang SSS sa mga employer upang maitama ang impormasyon ng kanilang mga empleyado.

Mayroong hanggang June 18 ang SSS para maberipika ang mga impormasyon ng isang employee.

Ang small business wage subsidy ay layuning tulungan ang nasa 3.4 milyong middle class workers na nagtatrabaho sa 1.5 milyong maliliit na negosyo sa bansa na napilitang magsara o magtigil operasyon dahil sa COVID-19 Pandemic. CHRISTIAN DALE

60

Related posts

Leave a Comment