AYUDA SA PINOY ARTIST, ISINUSULONG SA SENADO

ITINUTULAK ni Senadora Imee R. Marcos ang panawagang bigyang ayuda ang mga artist at producers sa creative work na may malaking maiaambag sa muling paglago ng ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Marcos, mahalagang suportahan ng gobyerno ang husay at galing ng mga Pilipino na makatutulong sa ekonomiya tulad ng mga animator na kinikilala ng Disney at maging ang ating mga malikhaing chef na nagdala sa Pilipinas sa pagiging culinary destination sa Asya.

“Dapat tignan ng ating mga economic manager ang creative work bilang isang epektibo at kumikitang industriya, hindi lang basta pang-agaw atensyon o pang-entertainment,” ani Marcos.

“Mismong Forbes na ang nagsabi na posibleng pumatok ang Pilipinas at dayuhin ng mga turista sakaling humupa na ang takot sa COVID-19. Dapat maiayos na natin ang industriya ng creative work para makatulong sa ating turismo at posibleng makapag-export pa sila,” dagdag pa ni Marcos.

Isinusulong nito na bumuo ang gobyerno ng Creative Industries Development Council sa pamamagitan ng Senate Bill 411 na tutulong, poprotekta at magpapalakas sa kita ng mga orihinal na likhang Pinoy.

Layon din ng panukalang batas na masiguro ang karapatan sa intellectual property hindi lang ng mga artist kundi maging ng mga scientist, inventors at iba pang mga malikhaing mamamayan.

“May mga kababayan tayo na naka-imbento ng gas-free na sasakyan at maging purifier para sa maruming tubig kaso hanggang balita lang sa telebisyon pero walang tulong na naiabot,” puna ni Marcos. NOEL ABUEL

82

Related posts

Leave a Comment