BADOY TAGAPAGTANGGOL NG ‘RAPIST’ – YOUTH GROUP

KINASTIGO ng Kabataan party-list si dating National Task Force-End Communist Armed Conflict spokesperson Lorraine Badoy dahil sa pagtatanggol nito sa among si Apollo Carreon Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso kabilang ang rape sa mga kabataan sa Estados Unidos.

“So ang panggagahasa sa mga bata ay ‘makatarungang sakripisyo’ para kay Badoy sa ngalan ng pagsugpo sa komunismo?,” tanong ni Kabataan Party-list Executive Vice President Renee Louise Co.

Ginawa ni Co ang nasabing pahayag matapos sabihin ni Badoy na ang kinakaharap na kaso ni Quiboloy ay kabayaran umano sa kampanya nito na sugpuin ang komunismo sa Pilipinas.

Hindi ito nagustuhan ng nasabing grupo na kinakatawan ni Rep. Raoul Manuel sa Kamara dahil inililihis umano ni Badoy ang usapin at iginiit na walang kinalaman ang komunismo sa kinakaharap na kaso ni Quiboloy.

“Walang kinalaman ang komunismo dito. Ang usapin ay ang kaso ng child sex trafficking na hindi hinaharap ng kapwa niya red-tagger na si Quiboloy. Hindi biktima o martir si Quiboloy. Kriminal siyang tumatakas sa pananagutan niya,” pagdidiin pa ni Co.

Si Badoy ay isa sa mga anchor ngayon sa Sonshine Media Network International (SMNI) na pag-aari ni Quiboloy. Ayon sa grupo ng mambabatas, ginagamit ang nasabing network sa pagrered-tag sa mga kritiko ng gobyerno.

“Ito ba ang paggamit ng freedom of expression na sinasabi ni Badoy? Ang pagtanggol sa mga rapist? Tunay ngang kaibigan ng kriminal ang mga sinungaling. Para lang sa pera ibabaon nila sa lupa ang sigaw para sa hustisya ng mga batang biktima ni Quiboloy,” ayon pa kay Co.

Pormal na ring binuksan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa plenaryo ng Kamara ang isyu kay Quiboloy dahil hanggang ngayon ay hindi kumikilos ang gobyerno lalo na ang Department of Justice (DOJ) para mabigyan ng katarungan ang mga biktima ng dating Presidential Spiritual Adviser ni Rodrigo Duterte at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

“As we commemorate the International Day Against Trafficking, this representation would like to manifest a very serious issue concerning the plight of women and children who became victims of rape, abuse, and sex trafficking allegedly perpetrated by no other than self-styled pastor and notorious red-tagger Apollo Carreon Quiboloy,” ani Brosas.

Hindi aniya ito dapat ipagkibit-balikat ng gobyerno upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima ni Quiboloy na kamakailan ay pinatawan ng parusa ng United States (US) Department of Treasury sa pamamagitan ng pag-freeze sa kanyang mga ari-arian sa Amerika. (BERNARD TAGUINOD)

34

Related posts

Leave a Comment