HINIKAYAT ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang pamahalaan na payagan nang mabigyan ng booster shots laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga kabataan na may edad 12 hanggang 17 bilang bahagi ng paghahanda sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Concepcion na kailangan nang magdesisyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) hinggil sa rollout ng booster jabs para sa nasabing age group para makatulong na mapanatili ang level of immunity sa bansa.
Sinabi pa niya na ang efficacy o bisa ng paunang COVID-19 vaccines ay humina na “as early as four months,” at ang indibidwal na nasa edad 12 hanggang 17 na karamihan ay estudyante ay dapat lamang na makakuha ng “extra protection” sa virus dahil sa napipintong pagpapatuloy ng in-person classes.
“This will have dire consequences on the country’s recovery. I echo what the Advisory Council of Experts (ACE) is saying: When you delay these boosters, you deny our country the chance to recover,” ang nakasaad sa kalatas.
Noong nakaraang linggo, iginiit ng adviser ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagbuo ng ACE, isang advisory group para sa pribadong sektor na makatutulong sa kanila na tahakin ang daan palabas mula sa pandemya.
Ang grupo ay kinabibilangan ng mga eksperto sa larangan ng kalusugan at ekonomiya.
“In a pandemic, we do not wait for the ‘hard evidence’ that we use for routine vaccines,” ayon sa grupo sabay sabing “We use the weight-of-evidence approach, which takes into consideration things like whole-of-society needs, vaccine deployment challenges at the ground level, age-related issues such as vulnerability versus schools being able to return to normal, the emergence of variants, and many other factors.”
Sinabi pa ng advisory council na ang pagbabakuna ay “key weapon” ng bansa para siguraduhin ang “uninterrupted recovery” mula sa pandemya. (CHRISTIAN DALE)
137