Bago maubos ang health workers MEDICAL RESERVE CORPS ITATAG

ITINUTULAK ni Senador Imee Marcos ang pagbuo ng medical reserve corps para sa mga health care worker bago pa tuluyang sumuko ang mga ito bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, Cebu at Southern Mindanao.

Ayon kay Marcos, kumplikado ang laban ng bansa kontra sa pandemya dahil maaaring lumala ang bagsik ng virus at sumabay pa ang posibilidad ng epidemya ng dengue at leptospirosis sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan.

“Huwag na tayong maghintay pa na magkaroon ng panibagong epidemya at pandemya na dadagdag lang sa stress ng ating mga medical frontliners, may limitasyon din sila. Ang kaligtasan nila, ay kaligtasan din natin,” pahayag ni Marcos.

Hindi sigurado si Marcos sa Department of Health (DOH) dahil hindi sapat ang datos na kanilang inilalabas partikular sa mga ospital kung naaabot ba ang maximum capacity ng mga ito at kung ang mga testing center ay may sapat na mga kuwalipikadong tauhan para makapagsagawa ng testing para sa 50,000 katao kada araw sa katapusan ng Hunyo.

“Wala tayong panahong makipaglaro ng hulaan sa tunay na kasalukuyang kapasidad ng mga ospital at testing centers. Bigo tayong maabot ang target na 30,000 katao kada araw nitong Mayo, napako na lang tayo sa 10,000 hanggang 15,000 bawat araw,” sabi ni Marcos.

Dahil dito isinusulong ni Marcos ang pagbuo ng medical reserve corps sa ilalim ng Senate Bill 1592 upang mas makapaghanda ang bansa sa anomang health emergency.

Kabilang sa ituturing na medical reserve corps ang mga volunteer health care provider, indibidwal man o institusyon na sasanayin ng gobyerno at maaaring ipatawag anomang oras sakaling may health emergency at bibigyan ng sapat na sweldo.

Kabilang din sa panukalang batas ni Marcos ang pagkakaroon ng database para sa mga recruit na ia-update kada tatlong buwan ng Department of Health, Professional Regulatory Commission at Commission on Higher Education. (NOEL ABUEL)

74

Related posts

Leave a Comment