BAGONG EDCA SITES KINUWESTYON NI SEN. IMEE

GINISA ni Senador Imee Marcos ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa tunay na pakay ng pagpapalawig ng mga lugar para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Estados Unidos.

Sa pagdinig ng Senate committee on foreign relations, hiniling ni Marcos na isumite sa Senado ang kopya ng kasunduan para sa paggamit ng apat pang EDCA sites sa Luzon region na pagdarausan din ng Balikatan Exercises.

Sinabi ni Marcos na kung humanitarian at disaster response ang pakay ng EDCA, bakit hindi sa Guiuan, Eastern Samar isagawa ang Balikatan Exercises na madalas daanan ng mga kalamidad.

Kung para naman anya sa paglaban sa terorismo, mas makabubuti sana kung sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao gawin ang aktibidad dahil doon madalas may naghahasik ng karahasan.

Kwestyonable rin para sa mambabatas ang paggamit ng mga anti-tank weapon sa Balikatan Exercises gayung dapat ay limitado lamang sa capacity building ang pagsasanay.

Aminado ang senador na nakababahala ang kasunduan dahil sa bagong batas o national defense law ng Estados Unidos ay maaaring maglagay ng stockpile ng mga armas sa iba’t ibang bahagi ng mga kaalyadong bansa.

Nakababahala rin anya ang pagpapaputok ng mga sundalong Amerikano nang wala pang malinaw na kasunduan. (DANG SAMSON-GARCIA)

57

Related posts

Leave a Comment