BAGONG KONTRATA NG MERALCO SA SUPPLIERS PABOR SA CONSUMERS

MAGANDANG balita para sa mga customer ng MERALCO ang pagtatapos ng bidding na ginawa ng kumpanya para sa suplay ng kuryente na kakailanganin sa susunod na taon.

Ito palang bidding na ito na tinatawag nilang Competitive Selection Process o CSP ay isang polisiya ng Department of Energy kaya lahat ng distribyutor ng kuryente kagaya ng MERALCO ay obligadong kumuha ng suplay sa pinakamurang halaga.

Siyempre apektado tayo nito dahil tayo ang nagbabayad ng ating konsumo. Hindi naman natin maaasahan ang gobyerno na mag-subsidize nito kaya ‘yung mga ganitong aktibidad ng MERALCO, dapat nating suportahan.

Ayon sa balita, meron pa palang sumubok na pigilan ang bidding dahil ang gusto yata nila, ibigay ng MERALCO ang kontrata sa supplier na mas mahal ang singil.

Mabuti na lamang at nilabanan ito ng MERALCO kaya napawalang bisa rin itong Temporary Restraining Order o TRO na inilabas ng Taguig Regional Trial Court. At dahil diyan, natuloy na sa wakas ang bidding.

Ang resulta? Nakabibilib na mga alok ng anim na malalaking supplier ng kuryente, at natural, ipagkakaloob ng MERALCO ang kontrata sa pinakamurang presyo.

Isipin mo, itong Masinloc, magbebenta ng 500 megawatts na halagang P5.60 kada kilowatt hour at ang GNPower Dinginin naman ay magsusuplay ng 100 megawatts sa halagang P5.74 kada kWh.

Base nga sa opisyal na records ng MERALCO, yung ibang supplier nito sa kasalukuyan, sumisingil ng higit P7 kada kWh!

Kaya itong 600 megawatts na suplay na mapapakinabangan natin sa susunod na taon, talagang makakabuti para sa mga konsyumer. Isang taon pa bago kailanganin pero pinaghahandaan na ng MERALCO.

Magandang balita ang mas mababang singil ng kuryente para sa mga konsyumer kaya dapat suportahan ang mga ganitong ginagawa ng MERALCO na hindi natin kadalasan napapansin, pero tayo naman ang nakikikinabang.

Hiling lang ng MERALCO, at siyempre ng mga konsyumer na gumagamit ng kuryente, baka naman pwedeng lahat ng supplier ng kuryente, magpresyo ng ganitong kababa.

At syempre, para naman sa Energy Regulatory Commission, siguruhing hindi na magkakaroon ng kahit anong delay sa pagrebyu at pagpapatupad ng mga kontratang makabubuti para sa konsyumer.

Sana lahat ng distribyutor ng kuryente sa bansa, kasama na rin ang mga electric cooperative, tularan ang MERALCO sa mga ginagawa nitong paghahanda at maayos na serbisyo ng kuryente.

Hindi man perpekto, pero hindi rin naman perwisyo.

83

Related posts

Leave a Comment