BAGONG PETSA NG SCHOOL OPENING TATALAKAYIN SA SENADO 

PORMAL nang binuksan sa Senado ang talakayan hinggil sa pagbubukas ng klase kontra sa itinakda ng Department of Education (DepEd) sa Agosto 24 ngayong taon.
Inihain ni Senador Win Gatchalian, na siyang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang Senate Bill No. 1541 na naglalayong amiyendahan ang Section 3 ng Republic Act No. 7797  o  “An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days.”
Sa ilalim ng naturang panukala, magkakaroon ang Pangulo ng Pilipinas ng kapangyarihang mamili ng ibang petsa para sa pagbubukas ng school year tuwing magkakaroon ng state of emergency.
Maaaring ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa buong bansa o sa iba’t ibang lugar na apektado ng mga sakuna kung saan ang panibagong petsa ng pagbubukas ng klase ay irerekomenda naman ng kalihim ng Department of Education.
Kasama sa magiging basehan nito ang Christmas at summer break, pati na rin ang mga sitwasyon na kinakaharap ng bawat rehiyon at mananatili rin sa kalihim ng DepEd ang kapangyarihang pahintulutan ang pagsasagawa ng klase tuwing Sabado para sa elementary at high school sa parehong pribado at pampublikong paaralan.
Ang Senate Bill No. 1541 ay isang substitute bill ng pinagsama-samang mga panukala nina Senador Joel Villanueva, Francis Tolentino, at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
 Sa ilalim ng Republic Act No. 7797, maaaring magsimula ang pasukan sa pagitan ng unang Lunes ng Hunyo ngunit hindi lalagpas sa huling araw ng Agosto.
Ang batas na ito ang naging basehan ng DepEd upang itakda ang simula ng klase ngayong taon sa Agosto 24 habang patuloy na nilalabanan ng bansa ang COVID-19.
Noong nakaraang Abril, inirekomenda ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang pagbubukas ng klase sa Setyembre. Ngunit ngayong buwan lang din inaprubahan ng IATF ang panukalang simulan ang klase sa Agosto.
“Kung maisabatas ang panukala bago magsimula ang klase, magkakaroon ang DepEd ng legal na basehan upang ipagpaliban ang klase tuwing may kalamidad, lalo na ngayong patuloy ang banta ng COVID-19 sa bansa,” paliwanag ni Gatchalian.
Binigyang diin ng mambabatas na pangunahing prayoridad sa pagbubukas ng klase ngayong taon ang kaligtasan ng mahigit dalawampu’t pitong milyong mag-aaral, ang kanilang mga magulang, at siyam na daang libong (900,000) mga guro at kawani. NOEL ABUEL
80

Related posts

Leave a Comment