HINDI dapat isentro lamang kay dating pangulong Rodrigo Duterte ang pagpirma sa bank waiver.
Ganito ang katwiran ni Digong nang maungkat sa House Quad comm hearing ang tungkol sa bank accounts umano ng kanyang pamilya.
Sa ambush interview, sinabi ni Duterte na pipirma lamang siya ng bank waiver kung lahat ng mga taong papangalanan niya ay pipirma rin ng nasabing dokumento para mabusisi ang kanilang mga bank account.
“Lahat, hindi lang ako. Lahat, as in lahat. Lahat ng gusto kong ituro dyan pati yung mga nakaupo sa harap ko. Bakit ako lang,” ani Duterte.
Uminit Ang Ulo Kay Trillanes
Samantala, uminit ang ulo ni dating pangulong Rodrigo Duterte kay dating senador Antonio Trillanes IV na naging dahilan para magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga ito sa ika-11 pagdinig ng Quad Committee sa illegal drugs at extra-judicial killings (EJK).
Nag-ugat ang tensyon nang tanungin ni presiding chair at Deputy Speaker David Suarez si Duterte kung handa itong pumirma ng waiver para mabuksan ang mga bank account matapos muling matalakay ang umano’y bank account ng pamilya ng dating pangulo na nagkakahalaga ng mahigit P2 billion.
“Anong kapalit sir? Sasampalin ko siya (Trillanes) sa publiko,” ani Duterte habang nakaturo kay Trillanes na noo’y nakatingin sa kanya kung saan dalawang upuan lamang ang layo ng mga ito sa isa’t isa.
Dahil dito, agad na sinuspinde ang pagdinig at matapos nito ay akmang tatayo si Trillanes at sinabing “lika, ngayon na” para magpasampal subalit agad na nagtayuan ang mga kasamahan ng dating pangulo para awatin ang mga ito.
Hindi pa natapos dito dahil akmang babatuhin ni Duterte si Trillanes ng mikropono na kanyang nahawakan subalit pinigilan ito ng kanyang abogadong si Atty. Martin Delgra III habang tila nagdidiskusyon naman sina dating executive secretary Salvador Medialdea at Fr. Flavie Villanueva.
“Please observe proper decorum. We are in a public hearing. We have already stressed from the very beginning that the proper rules, decorum will be implemented regardless who you are, regardless who you are,” ani Suarez.
“Sorry ho,” ani Duterte subalit dahil nakasuspinde ang hearing ay hindi agad ito pinansin kaya nang mag-resume ay sinabi nito sa komite na “I just want to apologize for the unbecoming behavior. Ah init sa ulo lang yun.
“Thank you very much for your apology. Apology accepted. I hope the other besides you would also observe proper decorum,” ani Suarez na ang tinutukoy ay si Trillanes habang agad naman ipinaalis sa record ang salitang “sampal”na binitawan ng dating Pangulo.
Bago ito ay hiniling ni Vice President Sara Duterte kay Quad lead chairman Robert Ace Barbers na payagan na ang kanyang ama na umuwi subalit tumanggi ang pangulo kaya nanatili ito sa nasabing pagdinig hanggang i-adjourn dakong alas-11:44 na ng gabi. (BERNARD TAGUINOD)
12