Bakit bawal ang isdang masarap? BFAR IPATATAWAG SA KAMARA

NAGPATAWAG ng imbestigasyon ang isang mambabatas sa Kamara para alamin kung nilalabag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang Constitutional Rights ng fish vendors at consumers sa pagbabawal sa masasarap na isda tulad ng pampano at pink salmon.

Sa House Resolution (HR) 600 na inakda ni Dasmariñas City, Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga Jr., iginiit na malinaw na nakasaad sa Article 3, Section 1 Philippine Constitution na “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”

Gayunpaman, mistulang hindi ito nasusunod sa crackdown na isinasagawa ng BFAR sa mga wet market laban sa mga nagbebenta ng mga nabanggit na isda dahil eksklusibo lamang umano ito sa mga hotel, restaurant at mga caterer.

Nangangahulugan na bawal sa mga ordinaryong mamamayan na kumain ng mga nabanggit na isda na ayon sa mambabatas ay posibleng paglabag sa probisyon sa Saligang Batas.

“This is to determine if there is a violation of the Constitution, discrimination against local fish vendors and if the present regulations only encourage smuggling, graft and corruption that does not protect the general public, the environment, and promote the general welfare,” ani Barzaga.

Bukod dito, tanging sa Metro Manila at karatig lalawigan umano nagsasagawa ng crackdown ang BFAR at hindi sa lahat ng wet market sa buong bansa.

Samantala, isa pang resolusyon ang nakahain sa Kamara para imbestigahan naman kung bakit masyado pa ring mahal ang presyo ng mga karneng baboy sa Pilipinas.

Sa HR 581, inaatasan ang House agriculture committee na magsagawa ng imbestigasyon dahil sa kabila ng umiiral na Executive Order (EO) No. 171 kung saan nabawasan ng 50% ang taripa ng meat importers ay mahal pa rin ang karneng baboy.

Ang nasabing EO na inilabas ni dating pangulong Rodrigo Duterte ay epektibo hanggang sa katapusan ng taong ito. (BERNARD TAGUINOD)

29

Related posts

Leave a Comment