MULING inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na “ilegal” ang pagpapabayad ng mga pribadong kumpanya sa pagpapabakuna ng kanilang mga manggagawa laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Idiniin ni Bello na hindi dapat sinisingil ng mga pribadong kumpanya ang kanilang mga manggagawa na handang magpabakuna.
“Bawal po ‘yun, kung babakunahan, babakunahan sila, dapat libre kasi sagot ng ating pamahalaan ‘yan eh,” banggit ni Bello sa panayam sa radyo.
Matatandaang ilang buwan na ang nakalipas nang sabihin ng kalihim ang mahigpit na pagtutol ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagbabayad ng mga manggagawa sa bakunang ituturok sa kanila.
Inulit ni Bello ang pagbabawal sa ilegal na patakaran ng mga kapitalista nang iparating sa kanya na mayroong mga negosyanteng ubod nang titigas ng ulo sa pagpipilit na pabayaran sa mga manggagawa ang bakuna.
Tahasan ding tinututulan ng NAGKAISA Labor Coalition ang ilegal na ‘sideline’ ng mga kapitalista habang patuloy ang panghahagupit ng COVID-19.
Reklamo ng NAGKAISA, sapul na ang trabaho at sahod ng mga manggagawa, tapos pagkakakitaan pa nila sa bakuna. (NELSON S. BADILLA)
97