BALIK-ESKWELA SA AGOSTO 24, APRUB SA IATF

INAPRUBAHAN ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang bagong school calendar sa paglilipa ng pagbubukas ng klase sa buwan ng Agosto dahil sa coronavirus pandemic.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na “ang pagbubukas ng klase sa basi education, magsisimula na po sa 24 ng Agosto 2020 at magtatapos ng Abril 30, 2021.”

Nauna rito, ipinanukala ng Department of Education na ang pagbubukas ng klase sa Hunyo ay ilipat “to a later date” bunsod ng patuloy na pakikipaglaban ng pamahalaan sa COVID-19.

Ito rin ang naging dahilan sa mga eskuwelahan na tapusin ang kanilang academic year nang mas maaga.

Ang pagsisimula ng school year ay karaniwan nang itinatakda tuwing buwan ng Hunyo subalit nakasaad sa Republic Act No. 7977 na pinapayagan ang school opening “not later than the last day of August.”

Sinabi pa ni Sec. Roque na ang private schools ay maaaring magbukas ng klase nang mas maaga subalit ang “face-to-face learning” ay kailangan ipagpaliban ng hanggang August 24, 2020.

Samantala, nauna nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na magpapatupad ang departamento ng ilang approaches o pamamaraan sa pagtuturo sa mga estudyante gaya ng technology-mediated learning sa pamamagitan ng computers at cellphones, at ang paggamit ng “media like television and radio, at iba pang offline methods.

Ang field units ng DepEd ang magdedesisyon kung anong delivery mode ang akma para sa mga estudyante at eskuwelahan, depende sa resources at sitwasyon ng lokalidad.

Samantala, sinabi naman ni Sec. Roque na ang extra-curricular activities gaya ng school sports, campus journalism, at job fairs- events na may malaking pagtitipon ay kanselado sa paparating na school year. CHRISTIAN DALE

101

Related posts

Leave a Comment