BALUTAN IPATATAWAG SA PCSO INVESTIGATION

balutan55

(NI BERNARD TAGUINOD)

UNA sa listahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pangalan ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Alexander Balutan sa isasagawang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa nasabing ahensya.

Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran, vice chairperson ng House committee on games and amusement, sinabi nito na lahat ng mga dati at kasalukuyang  opisyales ng PCSO ay tiyak na ipatatawag ng komite.

“Lahat including former officials of PCSO,” ani Taduran kaya hindi libre rito si Balutan na sinibak umano ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso sa hindi malamang kadahilanan.

Sentro umano ng imbestigasyon na alamin ang katiwalian sa PCSO na nagtulak kay Duterte na ipatigil ng ilang araw ang lotto kamakailan para malaman umano kung anong pagbabago ang dapat gawin sa nasabing ahensya.

Sa ngayon ay mayroon nang tatlong resolusyong nakahain sa Kamara para imbestigahan ang katiwalian sa PCSO at hinihintay na lamang na makumpleto umano ang miyembro ng nasabing komite para isagawa ang imbestigasyon.

PAGPARUSA SA MGA TIWALI SA PCSO HINIHINTAY NG BAYAN

Sinabi naman ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago na naghihintay ang taumbayan na panagutin ni Duterte ang mga sangkot sa sinasabi nitong tiwali sa PCSO upang maipakita ng Pangulo na seryoso siya sa kanyang kampanya laban sa katiwalian.

“Nananatiling hamon ng kabataan sa gobyerno na ipaalam sa publiko ang katotohanan sa likod ng korapsyon, hindi lamang sa PCSO. Higit sa lahat, panawagan nating panagutin ang rehimeng Duterte na pangunahing may pakana ng mga malalang korapsyon sa kaban ng bayan at pambubusabos sa buhay at kabuhayan ng mamamayan,” ani Elago.

Hangga’t hanggang salita lamang aniya si Duterte at walang mapanagot sa katiwalian sa PCSO ay hindi matatakot ang mga tiwali sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno.

Malaking dagok umano sa mga mahihirap ang biglang pagpapatigil sa operasyon ng PCSO lalo na ang mga may sakit kaya nararapat lamang aniya na panagutin ang mga tiwali dito sa lalong madaling panahon.

125

Related posts

Leave a Comment