MALAKI ang posibilidad na ikasa ang nationwide ban sa social media platform TikTok kapag napatunayan na nakaugnay ito sa cyber espionage.
Sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na kasalukuyan na nilang tinututukan at nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa bagay na ito bilang tugon na rin sa utos ni National Security adviser Eduardo Año.
Sa katunayan, tinitimbang nilang mabuti ang potensiyal na banta na bitbit ng social media application sa national security ng bansa.
“Iyong mga apps na ganyan may mga features na pwedeng gamitin para malaman ang galawan ng gumagamit- ang location, iyong mga online behavior mo- that could possibly compromise national security,” ayon kay Malaya.
“Ang pinag-aaralan po namin ngayon is how big a threat is TikTok to our national security. Ang may-ari po kasi niyan, ang mother company na Bytedance is a Chinese company and under their law, lahat po ng mga kumpanya sa Tsina ay kinakailangan makipagtulungan sa kanilang gobyerno,” dagdag na pahayag ni Malaya.
Ang paliwanag pa ni Malaya, nakatuon ang lawak ng kanilang nagpapatuloy na imbestigasyon sa state personnel na konektado sa military, pulis at iba pang mga security agency.
Nauna rito, hiningan na ng task force ang kinatawan ng TikTok sa Pilipinas na ihayag ang kanilang panig at magsumite ng position paper para sagutin ang alegasyon na “espionage” laban sa kompanya.
Tiniyak naman ni Malaya na matatapos ng kanyang team ang nasabing imbestigasyon sa susunod na buwan at magsusumite ng rekomendasyon kay Año.
Sa kabilang dako, nauna nang inanunsyo ng Estados Unidos, India, at Canada ang kanilang hakbang na i-ban ang TikTok dahil sa national security concerns.
Tinuran naman ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Col. Medel Aguilar na nagpatupad na ng hakbang ang military ukol sa paggamit ng TikTok.
(CHRISTIAN DALE)
118