BANAT NI BINOE SA ABS-CBN INTERES NG EMPLEYADO UNAHIN NI: NELSON S. BADILLA

KAKAMPI ng ABS–CBN Corporation si Robin Padilla sa kagustuhan ng kumpanya na makakuha ito ng panibagong 25 taong prangkisa, ngunit tahasang nanawagan ang “Bad Boy of Philippine Movies” sa mga may-ari at pamunuan ng nasabing kumpanya na unahin nito ang kapakanan ng kanilang mahigit 11,000 mga empleyado.

Ipinasasama din ni Padilla ang kapakanan ng mga manggagawa sa misyon at bisyon ng ABS-CBN.

Ang misyon ng ABS-CBN ay: “We exist to inform, educate, and entertain through creative content for any distribution platform. We innovate, diversify, and expand into enterprises where our expertise in content creation opens new business and service opportunities.”

Ang bisyon naman ng kumpanya ay: “Transforming lives by changing the media landscape.”
Ang kapakanan ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN na tinumbok ni Padilla ay ang kasunduan nina Liza Diño, pinuno ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) at Silvestre Bello III, kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magpapabuti sa pagtatrabaho ng lahat ng manggagawa sa showbiz industry ng bansa.

“I am for ABS-CBN renewal, pero include the agreement of Chairwoman Liza Diño and Secretary Silvestre Bello in the[ir] mission and vision,” saad ni Padilla.

Ayon sa ABS-CBN, mahigit 11,000 ang nagtatrabaho sa iba’t ibang opisina at palabas ng kanilang kumpanya, kasama na ang mga reporter, cameramen at drivers.

Hindi naman nito nilinaw kung lahat ay regular o kasama na ang mga kontraktuwal o extra sa mga teleserye nito.

Sunud-sunod na ibinandera ng ABS-CBN sa mga news program nito na nanganganib mawalan ng trabaho ang mahigit 11,000 manggagawa nito kapag tuluyang ipinasara ang binansagang “Kapamilya Network.”

Masyadong mainit na balita ang prangkisa ng ABS-CBN makaraang maghain ng petisyong “quo warranto” si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema tungkol sa prangkisa ng dambuhalang media company ng pamilya Lopez at ang subsidiary nitong ABS-CBN Convergence Inc.

Sa pagsasampa ng quo warranto, hiniling ng abogado ng pamahalaan sa mataas na korte ng bansa na “ipawalang bisa” ang prangkisa ng ABS-CBN at huwag nang bigyan ng panibagong prangkisa dahil sa litanya ng paglabag umano nito sa batas upang makapagnegosyo bilang media firm.

Kabilang sa nilabag ng kumpanya, ayon kay Calida, ang pagbibigay ng “Philippine Depositary Receipts” sa mga dayuhang negosyante upang magkaroon ng parte ng pag-aari sa ABS-CBN, labag ito sa Konstitusyon ng Pilipinas, sapagkat media ang negosyo ng ABS-CBN.
Sa Marso 30 matatapos ang 25-taong prangkisa ng ABS-CBN na nakasaad sa Republic Act No. 7966.

Ayon sa R.A. 7966, nagsimula ang prangkisa noong Marso 30,1995.

Ang aksyong ito ni Calida ay mistulang posporong nagsindi upang mag-apoy ang napakainit na isyu ng prangkisa ng TV network.

Dahil dito, sunud-sunod na ang pagbabalita ng mga news program ng ABS-CBN hinggil sa umano’y ‘kahalagahan’ at ‘kawastuhan’ sa muling pagbibigay ng Kongreso ng panibagong 25-taong prangkisa sa kumpanyang pag-aari ng pamilya Lopez ng Iloilo.

Ang mga argumento ng ABS-CBN tulad ng posibleng mawalan ng trabaho ang mahigit 11,000 empleyado ng kumpanya na nagpapakain ng mahigit 11,000 ding pamilya ay ibinalita rin ng news programs ng ibang media companies.

Ang iba pang dahilan ng ABS-CBN upang tumagal ang pagnenegosyo nito ng karagdagang 25 taon ay pagsupil sa malayang pamamahayag, malaking kasiyahang ibinibigay sa mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa tulad sa Amerika, malaking tulong nito sa mga pangkaraniwang mamamayan at marami pang iba na nasalanta ng sunog, bagyo at iba pa.

Maging ang mga sikat na artista ng ABS-CBN ay kinunan ng pahayag ng mga reporter ng nasabing kumpanya upang ipamukha sa Kongreso at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte na maraming naghahangad na magtuluy-tuloy ang operasyon o negosyo nito.

Ngunit, si Padilla na nagtrabaho sa ABS-CBN sa maraming proyekto sa matagal na panahon ang naghamon sa kapwa niya “superstars” sa pelikulang Filipino nitong Pebrero 13.

Sabi ni Padilla, maging sa mga sikat na artista sa GMA – 7: “God is Great! Para sa mga superstar ng ABS-CBN at GMA, hinahamon ko kayo, humarap nang live at ipagtanggol n’yo ang mga network n’yo [na] ilabas natin ang mga contract natin at ikumpara natin sa mga kasama natin sa trabaho sa taping at shooting, ipakita natin sa taumbayan ang tinatamasa natin sa mga network natin at ang tinatamasa ng sinasabi ninyong ipinaglalaban ninyo na ‘wag mawalan ng trabaho.”

“Gusto n’yo pala itama ang mali, abay umpisahan natin sa una. [P]ag-usapan muna natin ang tamang suweldo, benepisyo at tamang oras ng mga trabaho ng mga kasama sa taping at shooting bago ninyo ipaglaban ang karapatan ng kumpanya, unahin n’yo ‘yun taong kumpanya na kasama n’yo sa bawat araw sa location at ‘wag n’yo proteksyonan lang ang regular employees. [P]aano ‘yun mga hindi regular?,” patuloy ng aktor.

Isa si Padilla sa mga aktor na malaki ang bayad sa bawat palabas o pelikulang siya ang bida.

144

Related posts

Leave a Comment