(Updated)
(NI MAC CABREROS)
NATAGPUAN na ang bangkay ng isa sa dalawang Pilipino na nawawala sa Freedom beach sa Phuket, Thailand Biyernes ng gabi.
Nadiskubre ng isa pang turista ang katawan ni Noah “Twitt” Ibay II, 40, sa Freedom Beach, dalawang araw matapos maiulat na nawawala ito kasama ang kapwa Pinoy na si Angelo Bien Rafael Cortez, 29.
Ang nakitang bangkay ay kinumpirma ng pamilya at mga kaibigan ni Ibay,
ayon sa ulat. Naunang naiulat na nagtungo sa Patong Beach sina Ibay at Cortez noong Miyerkoles, kasama ang 11 pa.
Matapos ang ilang minutong pagtampisaw at paglangoy sa gitna ng malalaking alon, malakas na hangin at buhos na ulan ay naiulat na nawawala sina Cortez, Ibay at John Tanghal, 30, at Jose Tanghal, 51.
Na-rescue ng Tourist Police Division at Patong Bay Watch sina John at Jose Tanghal, dagdag ng ulat.
Patuloy ang paghahanap kay Cortez na isang registered nurse. Hindi nagbigay ng pahayag ang pamilya ni Ibay pero humiling sila ng dasal at umaasa na makita na rin si Cortez.
Ayon sa Thai online reports, si Ibay, anak ng senior official sa central Mindanao ng Department of Agrarian Reform, ay kasama ng 11 pang kaibigan na nagbakasyon sa Thailand nitong Miyerkoles.
Matapos maiulat na nawawala, agad nagsagawa ng search and rescue operations sa mga biktima ngunit nahinto ito dahil sa malalakas na alon at ulan.
Sinabi ng tiyuhin ni Ibay, si Mayor Cahar Ibay, ng Parang town sa first district ng Maguindanao, na hindi lumalangoy ang kanyang pamangkin nang dumating ang malalaking alon.
Kinilala naman ni Maleha Bajunaid Biruar-Ibay, misis ni Noah ang bangkay nito.
Hindi pa rin nakikita ang nawawalang si Cortez. Sina Cortez and Ibay, kapwa ng Cotabato City ay nasa Freedom Beach sa Kathu District ng Phuket nang mawalay sa grupo.
195