BARANGAY OFFICIALS PLANONG IPASOK SA GSIS

barangay44

(NI BERNARD TAGUINOD)

UPANG magkaroon ng pensiyon pagkatapos magsilbi sa kanilang mga barangay, nais ng ilang kongresista na ipasok o mag-miyembro sa Government Service Insurance System (GSIS) ang mga barangay officials.

Ito ang nabatid kay House Deputy Speaker Raneo Abu, ng Batangas, dahil tanging ang mga barangay officials ang hindi pa miyembro ng GSIS gayong itinuturing ang mga ito na empleyado ng estado.

“Sila (barangay officials) na lang ang hindi member ng GSIS kaya gusto ko sana, gawin silang member para kapag nagretire na sila mayroon silang matatanggap na pensiyon,” ani Abu.

Sa ngayon ay hindi inoobliga ang mga barangay officials na maghulog ng kanilang kontribusyon sa GSIS dahil hindi suweldo kundi honorarium lang ang kanilang natatangap.

Nais umano ng mambabatas na baguhin ang sistemang ito at magkaroon ng regular na sahod ang mga barangay officials upang otomatikong maging miyembro ang mga ito sa GSIS upang magkaroon ang mga ito ng pensyon sa kanilang pagtanda.

Maging si Isabela Rep. Faustina Dy V ay ganito rin ang iminumungkahi sa Kamara bilang pagkilala sa papel ng mga barangay officials sa  lipunan at katuwang ng national government sa pag-iimplementa ng mga programa.

“If there are problems in a community, an emergency like a fire, or a natural calamity like floods, barangay officials are the first responders on the ground,”anang mambabatas.

Sa ngayon ay mayrong 42,000 barangay sa buong bansa kaya aabot sa 294,000 ang mga ito kasama na ang barangay captain at 6 na konsehal bukod sa mga barangay tanod at iba pang empleyado ng bawat barangay.

Nais ng mambabatas na balikatin ng national government ang 50% sa magiging kontribusyon ng mga ito sa GSIS habang aktibo pa ang mga ito sa serbisyo at magkaroon ng siguradong pensiyon kapag tumanda na ang mga ito.

 

225

Related posts

Leave a Comment