(NI NOEL ABUEL)
NANINDIGAN si Senador Christopher Lawrence Go na dapat lang na muling ipagpaliban ang nakatakdang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa May 2020.
Ayon kay Go, hindi dapat sisihin ang mga barangay officials sa postponement ng nakaraang eleksyon.
“Hindi po kasalanan ng mga barangay officials ang postponement ng nakaraang eleksyon,” ani Go kasabay ng pagsasabing mahalaga ang ginagampanan ng mga ito dahil sa pawang frontlines ng pamahalaan sa pangangalaga sa komunidad.
“Mga barangay natin ang pinaka-frontline ng ating gobyerno sa paghahatid ng serbisyo at sa kampanya natin laban sa iligal na droga at kriminalidad. Kaya dapat lang na mabigyan natin sila ng sapat na panahon upang makapagpatupad ng kani-kanilang mga programa at proyekto sa kanilang mga nasasakupan,” dagdag pa ng senador.
Sa ginanap na public hearing ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation joint with Constitutional Amendments and Revision of Codes; Local Government; at Finance Committees, ipinanukala ni Go na palawigin pa ng dalawang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.
“Dahil sa RA 10952 na naisabatas noong 2017 at dating postponement ng barangay at SK elections, magiging dalawang taon na lang ang kanilang mga termino mula sa dapat tatlong taon,” aniya.
131