(NI BERNARD TAGUINOD)
PIRMA na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte at paparusahan na ang mga sisipol at mambabatos sa mga kababaihan sa lahat ng lugar, kasama na sa sa social media.
Ito ay matapos ratipikahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Safe Space Philippines Bill na magbibigay proteksyon sa mga kababaihan na karaniwang sinisipulan, binasbastos sa kalsada, eskuwelahan, opisina at maging sa social media.
Ipinadala na ng Kamara ang kopya ng nasabing panukala kay Duterte at umaasa ang mga mambabatas na pipirmahan agad ito ng Pangulo upang maipatupad na agad ito sa bansa.
Sa ilalim ng nasabing panulaka, itinuturing na gender-biased street and public space harassment ang wolf-whistling o pagsipol, cat-calling at mga kahalintulad na bagay sa mga kababaihan.
Sinuman ang lalabag sa nasabing panukala sa unang pagkakatoan kapag tuluyang maging ganap na batas ay pagmumultahin ng P10,000 at 12 oras na community service.
Tataas ito sa P20,000 na multa sa ikalawang paglabag at P30,000 kapag umulit sa ikatlong pagkakataon na may kasamang 30 araw na pagkakakulong.
Mas mataas na multa naman sa mga lalaking maglalabas ng kanilang ari para ipakita sa kanilang target na babae o gagawa ng anumang offensive body gesture dahil sa unang paglabag ay pagmumultahin ito agad ng P30,000 at 12 oras na community service.
Sa ikalawang paglabag ay P40,000 multa at P50,000 naman sa ikatlong paglabag na may kasamang isa hanggang anim na buwan na pagkukulong habang ang mga manghihipo ay pagmumultahin naman ng P100,000 at 30 na araw na kulong na may kasamang seminar.
Kapag ang isang suspek ay muling nanghipo sa ikalawang pagkakataon ay P150,000 na ang multa at kulong na isa hanggang anim na buwan atP200,000 multa na ito sa ikatlong paglabag kasama ang isa hanggang anim na buwang kulong.
Sakop din ng batas ang mga bastos sa social media dahil kapag nahuli ang mga ito ay pagmumultahin ng P100,000-P500,000 at kulong na anim na buwan hanggang anim na taon.
197