(NI DANG SAMSON-GARCIA)
BUO ang tiwala ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kay PNP chief Police General Oscar Albayalde.
“I am betting my neck sa tao na yan (Albayalde). Isusugal ko ang aking pagkatao d’yan sa kanya. That’s why inilagay ko siya as Regional Director ng NCRPO because I have high regard sa kanya,” saad ni Dela Rosa.
Ginawa ng senador ang pahayag makaraang umugong ang balita na posibleng kasama si Albayalde sa mga pinangalanan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa Executive session sa Senado kaugnay sa mga Ninja cops.
Kinumpirma naman ni dela Rosa na minsan nang nasibak sa pwesto si Albayalde noong ito pa ang provincial director ng Pampanga Police dahil sa pagkakasangkot ng kanyang mga tauhan sa operasyon ng droga.
“Nung sa active kami may insidente na na-relieve siya (Albayalde) as PD ng Pampanga dahil nga may mga intel operatives na involved sa problema ng shabu yun lang ang alam ko. Kaya sya natanggal nun but since then wala na ako narinig na ibang impormasyon about sa kanya,” salaysay ng senador.
“He was relieved for command responsibility hindi naman talaga directly involved sa mga tao nya na gumagawa ng kalokohan, pero command responsibility kaya siya narelieve noon but kilala ko ang tao,” dagdag ni Dela Rosa.
Pabor naman si dela Rosa na isapubliko ang mga pangalanan ng mga tinukoy ni Magalong na sangkot sa operasyon ng droga upang malaman ito ng publiko.
Aminado rin ang dating heneral na may iilang pulis pa rin ang nasasangkot sa mga iligal na gawain kaya’t nagpapatuloy ang internal cleansing.
154