BATO NA-HIGHBLOOD SA ROTC HEARING 

bato99

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

UMINIT ang ulo ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture hinggil sa panukalang ibalik ang mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC).

Ito ay nang paringgan siya ng isang resource person na si Raoul Manuel, deputy secretary general ng National Union of Students in the Philippines (NUSP) hinggil sa naging posisyon sa napipintong paglaya ni dating Calauan mayor Antonio Sanchez.

Sa gitna ito ng paghahayag ni Manuel ng kanilang pagtutol sa mandatory ROTC sa senior high school dahil sa pangamba ng katiwalian.

Partikular na nag-init ang ulo ni Dela Rosa sa pahayag ni Manuel na “Kung mahihirapan po tayo na i-uphold ang enforcement and rights awareness, amongst the rank of our officials, magkakatalo na lang kung may mga opisyal na hindi nag-aagree doon. Lalo na kung meron tayong senador saying na okay lang na makalaya at may 2nd chance ang isang rapist na mayor habang ang mga mahihirap ay madaling tokhangin na lamang.”

Sumagot naman si Bato na “Ang layo naman ng sinasabi mo Mr. Kasama ba dito sa hearing ang comment ko na yun,” na tinugunan ni Manuel ng “Human rights as part of the curriculum.”

“Ano na nangyari sa utak nyo? Ang layo at saka I take offense on what you said na ‘yung ROTC is misrepresentation of nationalism. Ano tingin mo sa amin? Ganun ka lang mag-judge sa amin? Are you sure you are the true representation of the student? Ilan lang ang makakakaliwa na estudyante, marami dyan ang gusto mag-ROTC. Ang layo ng isyu mo just na pepersonalin ako. Dapat matuto ka magrespeto sa senador na nandito sa hearing na ito,” diin pa ni Bato na nagtaas na ng boses.

Hindi pa nagpaawat si dela Rosa at sinabing “Kung Filipino ka. Do you love your country?” na dinugtungan pa ng “Pag inatake tayo ng China dito, sino palabanin mo sa China na yan, NPA? tatawagin mo ang NPA?”

Pumagitna naman na si Senador Win Gatchalian sa pagsasabing isumite na lang ni Manuel ang kanilang position paper habang iginiit ni Senador Pia Cayetano na alisin sa records ng pagdinig ang pahayag ni Manuel na walang kinalaman sa hearing at pinaalalahanan ang iba pang resource person na matutong gumalang.

Humirit naman din agad si Bato na dapat na talagang baguhin ang estado ng pag-iisip ng mga estudyante kasabay pagpapaliwanag sa kanyang posisyon sa kaso ni Sanchez.

“Kung ikaw ang representation ng estudyante ngayon, ganun na pala kawalang disiplina ng mga estudyante. Kaya dapat pala ibalik ang ROTC para madisiplina na kayo,” giit ni Bato.

Humingi naman ng paumanhin si Manuel kasabay ng pangako na hindi na mauulit ang insidente.

Nagpaalam na rin si Bato matapos ang mainit na sitwasyon, “Can I be excuse for a while. Magrerelax lang ako at naha-highblood ako.”

364

Related posts

Leave a Comment