(NI BERNARD TAGUINOD)
TAOS-PUSONG nagpasalamat si administration senatorial candidate Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang mga “silent supporters” na nagpapakalat ng mga bato na may pintang #24 sa mga tabing kalsada sa Metro Manila at mga probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon kay Dela Rosa, nakarating sa kanyang kaalaman ang mga kumakalat na bato na may pintang #24 na kanyang numero sa balota at wala umano siyang personal na kaalaman maging ang kanyang mga official campaign team sa mga ito.
“Kaya maaaring totoo nga, ayon sa balita sa dyaryo, na ang inisyatibang ito ay boluntaryong ginagawa ng dumaraming mga supporters natin.Tinanong ko rin sa official campaign team ko kung ito ba ay bahagi ng ating kampanya, sila man ay walang kinalaman dito. Hindi ko po kilala ang mga nag-isip at nagpasimula nito. Pero, taos-puso ko pong pinaaabot sa kanila ang aking pasasalamat,” wika ni Dela Rosa.
Unang napaulat sa pahayagang ito ang mga bato na may pintang #24 na nagkalat sa tabi ng mga pangunahing lansangan o kalsada sa Metro Manlila at maging sa Visayas, Mindanao at ilang lalawigan sa Luzon.
“Ito po ay aking teyorya lamang. Sa totoo lang po kasi, ang aking kampanya ay wala masyadong pondo. Hindi po tulad ng ibang mga kandidato na napakaraming pera para makapaglagay ng napakaraming tarps, makapamigay ng kung anu-anong campaign materials sa mga tao, makapag-advertise sa TV, radyo, at mga pahayagan,” wika pa ni Dela Rosa.
Sa mga sorties nga umano na kanyang pinupuntahan, kulang na kulang ang kanyang mga ipinamamigay na election materials at dahil sa kakaulangan ng pondo at may mga pagkakataon na ang campaign t-shirt na suot niya ay kanyang hinuhubad para ibigay sa mga personal na humihingi sa kanya.
“Sa palagay ko, ito ang dahilan kung bakit naisip ng aking mga supporters ang paraang ito para matulungan ako sa aking kampanya. Ngayon nga, pati mga supporters sa iba pang mga lugar, ginagawa na rin nila. Sadyang nakatataba ng puso ang boluntaryong pagtulong ng mga kababayan natin. Sana nga lang po, iwasan nila na mag-vandalism. Muli, pinaaabot ko sa kanila ang aking taos-pusong pasasalamat. Ramdam ko po ang pagmamahal ng milyun-milyong kababayan natin,” pagtatapos ni Dela Rosa.
203