BAWAS BUWIS PANLABAN SA INFLATION – SOLON

UMAPELA si House assistant minority leader Arlene Brosas sa liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso na iprayoridad ang mga panukalang batas na magpapagaan sa kalagayan ng mamamayan sa gitna ng hindi mapigilang pagtaas ng inflation rate.

Ginawa ng mambabatas ang apela matapos maitala ang 7.7% inflation noong nakaraang buwan na pinakamataas aniya sa nakaraang halos 14 taon.

“Yung 7.7, mukhang sale pero sa aktwal ay napakabilis na pagtaas ito ng presyo ng mga bilihin nitong Oktubre, pinakamataas sa halos 14 taon. Tackling inflation reduction measures such as VAT exemption on basic goods should be a priority right now,” ani Brosas.

Sinabi ng mambabatas na dalawang panukalang batas ang nakabinbin ngayon sa Kamara na makatutulong para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain.

Kabilang na rito ang House Bill (HB) 400 na layong tanggalin ang excise tax at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo at HB 5504 na layong ilibre sa buwis ang tinapay, delata, asukal at iba pang pangunahing bilihin.

“Unfortunately, we don’t see any inflation reduction measure in the list of bills to be approved by Congress before year end. We urge the House leadership to reconsider its priorities and stand by Filipinos demanding urgent price reduction right now,” ani Brosas.

Bukod dito, kailangang magpasa na rin aniya ng batas ang Kongreso para sa dagdag na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor dahil paliit nang paliit ang halaga ng kanilang suweldo.

Kailangan aniya itong gawin dahil hindi umaaksyon ang mga regional wage board para sa dagdag na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.

“Congress should also consider tackling a legislated substantial wage increase to ease the price pressures on workers right now,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

36

Related posts

Leave a Comment